MANILA, Philippines – Naghain ng Senate Resolution si Senator Manny Villar para bigyan papuri si Rubilen Amit sa kanyang pagwawagi sa katatapos na 2009 JBETpoker.net Women’s World 10-Ball Championship, habang binigyan din ng tinaguriang ‘Ninong’ ng Philippine billiard ang bagong world titlist ng awtomatikong seeding sa lahat ng Villar Cup series.
“Rubilen’s victory did not just make us, Filipinos, proud. It also shown to the world, once again, how competitive the Filipinos are,” wika ni Villar.
Si Amit, ang 27-year-old three-time Southeast Asian Games gold medalist, ay namayani sa mahirap at star-studded na lahok ng mga kababaihang cue artists mula sa buong mundo, kabilang na ang 10-4 tagumpay kay two-time world 9-ball titleholder Liu Shin-mei ng Chinese-Taipei sa finals, upang magreyna sa event na ginanap sa SM North Edsa sa Quezon City at maging kauna-unahang Pinay na tanghaling billiards world champion.
Pinuri din ni Villar ang iba pang Pinay na lumahok sa torneo kabilang na ang 11 taong gulang na si Gillian Go, na nakasama ni Amit sa knockout phase ng event.
Sinabi naman ni Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) president Atty. Vic Rodriguez na seeded si Amit sa Villar Cup sa susunod nitong yugto sa Bicol sa July.
Makakasama ng 27 anyos na 3-time SEAG gold medalists sina dating world champions Efren “Bata” Reyes, Ronnie Alcano at Alex Pagulayan, dating world no.1 Dennis Orcollo at Francisco “Django” Bustamante, Warren Kiamco, Lee Van Corteza, Jose “Amang” Parica, Ramil Gallego, Gandy Valle, Roberto Gomez at Rodolfo Luat na babandera sa mga kalahok ng prestihiyosong island-hopping series na ipiniprisinta ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports at hatid ng Camella Communities.