PANABO CITY, Philippines — Tinapos ni Mark Anthony Barriga ang kanyang eksplosibong kampanya matapos tanghalin most prolific fighter ng 2009 Smart-ABAP Mindanao Area qualifying tournament sa Panabo Multi-Purpose Tourism Cultural Sports Center dito.
Walang talo sa huling apat na national open, dinimolisa ng 16 anyos na si Barriga si Julius Silva ng Davao City, 27-12 upang makopo ang ginto sa pinweight class ng junior division at umabante sa national championships na nakatakda bago matapos ang taong kasalukuyan.
Si Barriga, na nagsimulang lumaban para sa Davao Del Norte stable ni dating Panabo solon Tonyboy Floreindo at representative Anton Lagdameo Jr sa edad na 9 anyos, ay walang naging banta nang sumuntok ito patungo sa tagumpay matapos kumunekta ng ilang malilinaw na suntok sa ulo at katawan ni Silva.
Ang panalo ni Barriga, kasama ang mga tagumpay nina junior light bantamweight Rejie Tabanao at pinweight Victorio Saludar III sa youth division, ay tumulong sa host province na makamit ang overall title ng torneong nagsisilbing regional qualifying para sa ABAP National Championships.
Nanalo naman ang 16 anyos na si Tabanao sa pamamagitan ng walkover kay Warren Christopher Raterta na hindi nakaakyat sa finals dahil sa sakit habang pinagretiro naman ni Saludar, tinanghal na best boxer sa youth division kay Jeffrey Gallero ng Misamis Oriental sa second round ng kanilang laban.
Ang iba pang boksingero na may-ambag sa tagumpay ng Davao Del Norte ay sina light fly Glen Canteveros, flyweight Jolan Bunghanoy, bantam Alfredo Deano at featherweight Jay-Ar Inson sa youth division (17-18 years old).
Iginawad nina PLDT-Smart top honcho at ABAP chairman Manny V. Pangilinan ang mga tropeo at medalya sa mga nagwagi. Kasama sina ABAP executive director Ed Picson, dating Philippine Sports Commission chair Butch Ramirez at Lagdameo.
Tinanghal ding best boxer sa junior division si Engelbert Moralde ng Davao City habang si Robert Paradero ng Malaybalay, Bukidnon at Iligan City’s Arnel Dayday ang tinanghal na top boxers sa kids at school boys division.