MANILA, Philippines - Para selyuhan ang uma-atikabong bakbakan sa semis at itakda ang laban sa pagitan ng University of Sto. Tomas at San Sebastian, isusulong ng dalawang koponan ang panalo para tumulak sa Finals ng Shakey's V-League nga-yong araw sa The Arena, San Juan City.
Hangad ang ikaapat na korona sa liga, matapos itumba ang Far Eastern University noong Huwebes, 25-14, 25-23, 22-25, 25-16, muling dudurugin ng UST ang Lady Tams para mapalawig ang tsansa sa korona sa labang magsisimula ng alas dos ng hapon.
Habang tatangkain ng Lady Stags na ulitin ang 25-14, 25-20, 25-18 dominasyon kontra sa nagdedepensang Adamson upang isulong ang ikalawang sunod na finals trip.
Sa kabila ng tindi ng determinasyon ng UST at SSC, aasahang kapwa aarangkada ang FEU at AdU na bubuwelta para pigilan ang kanya-kanyang kalaban at ipwersa ang sudden death match sa finals ng ligang hatid ng Shakey's Pizza at ipiniprisinta ng Cherifer na suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare.
Sa pagkawala ni UST top hitter Michelle Carolino, sasamantalahin ng Lady Tams ang oportunidad na masilat ang panalo sa tulong nina Shaira Gonzales, Irish Morada at Cherry Vivas laban sa matikas na galaw ng UST foursome na sina skipper Aiza Maizo, Mary Jean Balse, Maika Ortiz at Rhea Dimaculangan nagtala ng 65 points sa huling laban.
Samantala, nahaharap sa isang matinding hamon, susubukan ng Lady Falcons na kumubra ng panalo sa kabila ng pagliban nina key players MVP Nerissa Bautista at Joanna Botor-Carpio, na kasalukuyang pumapalo para sa RP team kasama ni Carolino sa beach volley tournament sa Vietnam.
Subalit sasandig sa matalinong diskarte ni Thai import Jaroensri Bualee, Laurence Ann Latigay at Rysabelle Devanadera, aatakihin ng Lady Stags ang pwersa ng Falcons para tapusin ang serye.
Ang pananaig ng UST at SSC ang magbubukas ng best of three series para sa kampeonato sa Martes. (Sarie Nerine Francisco)