Amit pumasok na sa Last 16: Go kinapos na
MANILA, Philippines - Sa talas ng diskarte ni top local bet Rubilen Amit, naungusan ng Pilipina si Julie Kelly ng Ireland, 8-4 para umusad sa Last 16 sa kabila ng pagtatapos ng karera ni Gillian Go matapos madaig ni World No. 5 Yu Ram Cha ng Korea sa penultimate day ng 2009 JBETpoker.net Women’s World 10 Ball Championship kahapon sa Sky Dome ng SM North EDSA, Quezon City.
Malakas ang naging panimula ni 2007 Amway World 9-Ball Championship finalist na si Amit, na maagang inokupa ang puwesto sa knockout stage ng prestihiyosong event na ipinirisinta ng JBETpoker.net, Dragon Promotions at Bugsy Promotions.
Ito ang ikaapat na panalo ni Amit sa loob ng 5 outings, bukod dito, naasinta niya ang three-time Southeast Asian Games gold medalist para paabutin hanggang sa last 16 encounter sa talunang No. 4 seed na si Tan Hsiang-ling ng Chinese-Taipei.
Samantala, ang 11-year old qualifier na si Go ay rumupok nang magtuloy ang nilasap na kabiguan matapos sumargo ito at maungusan si Cha na may 3-2 tala.
Sa kabila ng pinakitang matibay na bwelta, nabura ang tsansa ni Go na magwagi sa $75,000 event na suportado ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines, ABS-CBN, SM Mall North Edsa, Magic 89.9, Predator Cues, Takini Billiard Cloth, Aramith, Puyat Sports, The Philippine Star, at Bugsy Promotions at kinikilala ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.
Sa kabuuan, nakapagtala si Go ng 3 panalo sa loob ng 6 na engkwetro sa kanyang unang international fna laban.
Sa kabilang banda, ang panalo ni 18 year old Korean sensation na si Cha, ang nagtulak sa Last 16 match kontra third seed Allison Fisher ng England sa unang round.
Habang napahanga ni Charlene Chain ng Singapore ang dating World No.1 Ga Young Kim ng Korea sa pamamagitan ng 8-6 rekord para isubi ang pagkakataong harapin si No.7 Liu Shin-mei ng Chinese-Taipei sa susunod na baytang ng kumpetisyon.
Maging si World games gold medalist Jasmin Ouschan ng Austria ay nagpasiklab kay qualifier Angeline Ticoalu ng Indonesia, 8-3, para umabante sa Last 16, kung saan nakatakda ang kanyang duwelo kay No. 5 Miyuki Fuke ng Japan.
Para naman sa pambato ng Korea na si Lim Yu Mi, masarap ang natikmang panalo kontra Akio Ohtani ng Japan para isiguro ang second round match kontra top seed Karen Corr ng Ireland, habang tumiklop si Aspra Punhoo ng South Africa sa sargong opensa ni Taiwanese Chou Chieh-Yu, 8-3 para ihanda ang pagsagupa sa second seed at reigning world No. 1 Kelly Fisher ng England. Subalit hindi rin pahuhuli si Tamara Rademakers ng Netherlands nang patalsikin si Veronika Hubrova ng Czech Republic sa 8-5 baraha, upang ipuwersa sa Last 16 kontra kay No. 6 Jeanette “ Black Widow” Lee, sa kabila nang pagdomina ng isa pang Taiwan national na si Lin Yuan Chun matapos pagbagsakin si Chichiro Kawahara ng Japan para pumasok sa second round slot kontra kay Akimi Kajitai ng Japan.
Ang Last 16 at quarterfinals ay nasaksihan kahapon habang aarangkada ang semis at finals ngayon. Ang tatanghaling runner-up ay tatatanggap ng $9,000 at ang dalawang losing semifinalist ay mag-uuwi ng tig-$5,000. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending




















