Nokia Pilipinas U16 pa-China
MANILA, Philippines - Matinding hamon ang kakaharapin ng Nokia Pilipinas U16 sa posibleng makakalaban nito sa FIBA-Asia Youth Championship sa paglipad ng Nationals ngayon patungong China.
Sa ilalim ni Nokia Pilipinas coach Eric Altamirano, tutungo ang Nationals para lumaban sa Malaysian tournament na nagawang posible sa tulong ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) na pinamumunuan ni Manny Pangilinan at executive director Noli Eala.
Binigyan rin ng pagkakataon ng Chinese Basketball Association (CBA), Nokia Philippines at TAO Corporation na maituloy ang torneong kabibilangan ng Pilipinas.
Inaasahang ipaparada ng Nationals ang bandera sa pakikipagtagisan nito sa 16-and-under, 17-and-under at 19-and-under national teams ng Beijing, China.
Kabilang sa mga maglalaro para sa Nationals ay sina Roldan Sara, Raphael Nayve, Jeoffrey Javillonar, Paolo Luis Romero, Kevin Ferrer , Michael Anthony Pate, Rene Sta. Maria, Gelo Alolino, Jeron Teng, Michael Tolomia, Kiefer Ravena, Von Pessumal, Cederic Labing-isa and new recruit Nestor Bantayan.
Mula sa training camp at pocket tournament sa Canbera , Australia , dumaan din sa matin-ding pag-eensayo ang grupo sa ilalim ng pamamahala ng National Intensive Training Program (NITCP) na pinangungunahan ni head coach Rob Beveridge. Hindi lang ito, pinag-igihan rin ang pagsasanay kung saan nakabilang rin sila sa Nike Elite Camp sa Brent, Mamplasan.
Sa kabilang banda, ang malimit na pakikipagbuno nito sa iba pang koponan ang humahasa at nagpapatalas sa grupo tulad ng pakikipagharap nito sa New South Wales Metro, Australia Capital Territory (ACT)1 at ACT 2 na sasali sa Australia’s National U16 Championship na gaganapin sa July. Sa local naman, naglaro ang tropa noong Nokia NBTC D-League at sumabak pa sa Nike Summer league at Fr. Martin’s Cup Senior Division noong isang buwan para paigtingin ang kampanya. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending