Kabalintunaan ng Cleveland
Ang daming nagsabing sasagasaan lamang ng Cleveland Cavaliers ang lahat ng makakasagupa nito sa NBA playoffs. Sa regular season, sila ang may pinakamagandang rekord, at dalawang beses lang sila natalo sa kanilang homecourt na Quicken Loans Arena sa loob ng 41 laro.
Pagdating ng playoffs, pinatunayan nga ng Cavs ang kanilang husay. Nagtala sila ng bagong rekord na walong sunod na panalo sa playoffs na sampung puntos o mahigit ang panalo. Maging ang Boston Celtics ay hirap sa batang Chicago Bulls. Kaya akala ng madami, tapos na ang labanan.
Pero bakit ngayon, buhay ang pinaglalaban ng Cavs laban sa Orlando Magic? Bakit tila wala silang magawa, na pati ang malalaking lamang nila ay naglalaho basta-basta?
Sa regular season, walang panama ang Cleveland sa Orlando. Hirap sila sa estilo ng Magic, na pinoposte lang si Dwight Howard, at pagkatapos ay pinapalibutan ng mga shooter. Hindi ngayon malagyan ng double-team si Howard, dahil na rin sa laki ng mga shooter ng Orlando. Si Rashard Lewis at Hedo Turkoglu ay kapwa 6’10”. Pag pinabayan naman, lalapit sa basket, kung saan mas lalong nakapipinsala sa opensa.
Ang isa pa, kailangang tauhin si Howard sa rebound. Pero sa dami ng tira sa labas, malalayo naman ang bagsak ng bola. Kahit napakaganda ng puwesto mo, kapag long rebound, wala ring epekto.
Ang isa pang nakagugulat, tuwing nagtatala si LeBron James ng 40 o higit pa, natatalo ang Cavs. Ibig sabihin, kulang sa suporta mula kina Mo Williams, Delonte West, at Zydrunas Ilgauskas. Sa playoffs, alam natin di kukulangin sa tatlo ang kailangang umiskor ng malaki para manalo.
Ang isa pa, problema na ng coaching kapag di maalagaan ang malalaking lamang, o kaya’y mabilis mapagod ang mga manlalaro. Ibig sabihin, may problema sa pasok ng tao, at lalo na tuwing inuupo si James. Ang bilis kainin ng Magic ang lamang ng Cavs. Kung hindi lang dahil sa isang milagrong three-pointer ni James sa Game 2 ng serye, wala na dapat ang Cavs sa playoffs.
Ang mabigat pa nito, sa Orlando gagawin ang laro. Hindi papayag ang Magic na magpatalo sa sariling bahay.
- Latest
- Trending