Bañares, Ouschan talsik na
MANILA, Philippines - Nabigo sina National junior champion Jericho Bañares at crowd-favorite Jasmin Ouschan ng Austria sa kani-kanilang kalaban at mapatalsik sa Philippine Open Pool championship noong Huwebes ng gabi sa SM Megamall Megatrade Hall 2.
Yumuko si Bañares kay Toh Lian Han ng Singapore, 7-9 para sa kanyang ikalawang sunod na kabiguan.
Ngunit ang pinakamala-king disgrasya ay nalasap ni Ouschan, ang magandang 23 anyos na ranked No. 1 sa kababaihan sa torneong may basbas ng WPA.
Nabigo si Ouschan sa hill-hill encounter sa beteranong cue artist na si Ernesto Dominguez ng Mexico nang pumalag ang pinakaimportanteng ball-ang No. 10 ball sa 17th at final rack ng torneong ito na hatid ng Smart Sports, PAGCOR.
At sa pagkawala ni Ouschan, ang anim na babaeng lahok na nakapasok sa 64 player field ay dalawa lamang makaraang mabigo din sina Melissa Little at Sarah Rousey ng Amerika at Julie Kelly ng Ireland.
Binanderahan naman ni two-time world junior champion Ko Pin-Yi, seeded fourth, ang pagmartsa ng mga Taiwanese sa pamamagitan ng panalo kina Uchigaki (9-6) at Naoyuki Oi (9-3).
Pinayuko ni Lu Hui-Chan si Arnel Bautista (9-4) at dating world champion Thorsten Hohmann (9-4).
Pinabagsak naman ni Chang Pei-Wei, dating world 9-ball championship runner-up si Jasan Klatt (9-5) at Fabio Petroni (9-6).
Sa panig naman ng mga Amerikano, apat ang umusad patungo sa itaas.
Tinalo ni Shane van Boening at Gabe Owen ang kanilang mga kalaban sa second round. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending