MANILA, Philippines - Ibubuhos ng Far Eastern U ang lahat ng kanilang lakas kontra sa San Sebastian, at umaasang makuha ang una sa dalawang pagkakataon para sa ikatlong semifinals berth sa 6th Shakey’s V-League ngayon sa The Arena sa San Juan.
Nalusutan ng Lady Tamaraws ang USLS-Bacolod Lady Stingers noong Martes na umbot sa apat na sets bago mailista ang panalo at palakasin ang kampanya sa semis hawak ang 2-1 baraha.
Ngunit kailangang ibuhos ng Lady Tamaraws ang lahat ng kanilang nalalaman at lakas kontra sa Lady Stags sa pang-alas-4 ng hapong salpukan upang maiwasan ang playoff sa huling upuan ng seamis sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza at ipiniprisinta ng Cherifer.
"We will do our best to get into the semis outright to avoid any complication," wika ni FEU coach Nes Pamilar, na muling sasandal sa kanyang matitikas na player na sina Maica Morada, Rachel Anne Daquis, Shaira Gonzalez, Cherry Vivas at guest player Mayette Carolino para makaganti sa SSC, na umubos sa kanila sa elims.
Nasungkit na ng UST at SSC ang unang dalawang puwesto sa semis sa magkatulad na 3-0 baraha kung saan ang Lady Stags, nagwagi sa second conference noong nakaraang taon, at ipinauubaya ang karera sa huling dalawang semis sa pamamagitan ng klasikong five-set na tagumpay laban sa defending champion Adamson University noong nakaraang Martes.
Ngunit napanatili ng Recoletos-based team ang kanilang pananalasa na may hawak na siyam na sunod na panalo makaraang yumuko sa UST noong opening day.
Kailangang higpitan ng FEU ang kanilang depensa sa net na inaasahang magmumula sa Thai import na si Jaroensri Bualee katulong sina Lou Ann Latigay at Suzanne Roces.
Samantala, puntirya naman ng USLS-Bacolod na manatiling may pag-asa sa semis sa kanilang pakikipaglaro sa UST sa pabungad na laban bandang alas-dos ng hapon. (Sarie Nerine Francisco)