Classification round winalis ng Bulls
MANILA, Philippines - Umukit ng kasaysayan ang Batangas Bulls ng maging kauna-unahang koponan sa Baseball Philippines na nakawalis ng laro sa classification round matapos pabagsakin uli ang nagdedepensang Cebu Dolphins sa Series V kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Binulaga ng Bulls ang starting pitcher ng Dolphis na si Jeff Ardio ng limang hits at apat na runs sa unang inning para katampukan ang 8-3 panalo at mawakasan ng Series III champion ang laro sa yugto taglay ang 10-0.
Lalabas ang Bulls ang natatanging koponan sa limang series sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc. na nakawalis sa double round classification.
Ang Manila Sharks ay muntik nang nakagawa nito sa Series III nang manalo sa unang siyam na laban pero minalas silang matalo sa Bulls sa huling laban.
Ang kabiguan ng Dolphins ay kanilang ikaapat sa walong laro at nalaglag sa ikatlong puwesto kasunod ng pumapangalawang Sharks na kinuha ang ikaanim na panalo sa walong laro sa Dumaguete Unibikers, 8-7.
Humataw ng two-run triple si Jarus Inobio upang manguna sa five runs na iniskor ng Sharks sa seventh inning para sa 8-4 kalamangan bago sinandalan ang tibay ng dibdib ni pitcher Mick Natividad sa ninth inning upang mapigil ang paghahabol ng Unibikers.
Para pormal na makuha ng Sharks ang ikalawang awtomatikong puwesto sa semifinals, kailangan nilang manalo sa Cebu sa pagpapatuloy ng suspended game nila noong Mayo 10.
Winalis naman ng Alabang Tigers ang Taguig Patriots, 19-13, na nilaro sa Alabang Country Club para sa 4-6 karta habang ang Patriots ay nagtapos sa 1-9 baraha.
- Latest
- Trending