MANILA, Philippines - Maski si ‘Pacman’ ay kasama sa pagsasanay ni Filipino challenger Rodel Mayol para sa kanyang paghahamon kay Puerto Rican world light flyweight champion Ivan Calderon.
Ngunit hindi si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao ang nakakasabay ni Mayol sa kanyang pag-eensayo.
Sa araw-araw na 5-mile run ni Mayol sa Pan Pacific Park sa Los Angeles, kasa-kasama si ‘Pacman’, ang Jack Russell terrier na itinampok rin sa ‘24/7’ nina Pacquiao at Briton Ricky Hatton ng HBO.
“In the mornings at camp, Pacman scratches at his door when it is time to get up and run,” wika ng tagapag-alaga ni ‘Pacman’ na si Winchell Campos sa panayam ng Fightnews.com. “Pacman is a tireless pup - he’s only about a year old - and now he is helping Mayol.” .
Si Mayol ay nasa bakuran ng MP Promotions ni Pacquiao.
Nakatakdang hamunin ni Mayol si Calderon para sa suot nitong World Boxing Organization (WBO) light flyweigth crown sa Hunyo 13 sa Madison Square Garden sa New York City.
“Its my first fight at the Garden and I can’t wait to get to New York and go in the historic ring. It really is a dream come true for me,” wika ni Calderon.
Ito ang ikalawang pagkakataon na magtatangkang mang-agaw ng korona si Mayol matapos mabigo kay Mexican Ulises “Archie” Solis.
Tinalo ni Brian “The Filipino Punch” Viloria si Solis via 11th-round TKO noong Abril sa Araneta Coliseum para maagaw ang dating hawak nitong International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt. (Russell Cadayona)