USJR dinimolisa ng SSC Lady Stags
MANILA, Philippines – Sa pagbubukas ng panibagong yugto, maagap na inangkin ng San Sebastian College ang unang panalo sa quarterfinals makaraang demolisahin ang University of San Juan Recoletos of Cebu sa pamamagitan ng mabilisang laro, 25-8, 25-9, 25-15 ng sixth Shakey’s V-League sa The Arena San Juan City kahapon.
Pumalo ng 18 kills para sa 17 point output si Laurence Latigay habang, 15 points naman kay Thai import Jaroensri Bualee ang siyang humiya sa mga Cebuano.
Nagdagdag naman ng 13 puntos si Rysabelle Devanadera para pakitaan ang top provincial team sa labang tumagal ng 56 minuto.
Ito ang ikapitong sunod na panalo ng SSC, kabilang ang 6 na larong pinagharian ng tropa sa single round elims ng ligang hatid ng Sports Vision at suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare.
Samantala, pinigil ng University of Santo Tomas ang mainit na hamon ng Far Eastern University at igupo ng Tigresses ang Lady Tamaraws, 19-25, 25-18, 25-7, 25-19, upang makasama ang SSC sa liderato sa single round phase kung saan ang top four ang aabante sa semis.
Dinurog ng Tigresses ang malamyang panimula ng Lady Tamaraws sa ikatlong set upang makuha ang bentahe at tuluyang dispatsahin ang kalaban sa ikaapat na set tungo sa tagumpay sa loob ng isang oras at 16 minuto na bakbakan.
Humataw sina guest players Mary Jean Balse at Michelle Carolino sa pinagsamang 35 hits para sa Tigresses na umaasam ng ikaapat na kampeonato. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending