MANILA, Philippines – Para sa panibagong yugto, magkukrus ang landas ng Univ. of Sto. Tomas at Far Eastern University na mag-uunahang maangkin ang panalo sa quarterfinal round ng sixth Shakey’s V-League sa The Arena, San Juan City.
Mula sa huling pagtatagpo, namayani ang bangis ng Lady Tigers nang paamuin ang Tamaraws, 25-23, 21-25, 25-22, 27-25 sa elimination round, na nagtulak sa three-time champ na sumosyo ng liderato sa San Sebastian na may 6-1 kartada habang naupo naman sa ikatlong pwesto ang FEU na may 5-2 baraha.
Para sa pagpapatuloy ng serye, magbabalik sa simula ang mga koponan para maitaguyod ang kampanya kung saan maglalaban sila para sa single round robin elims ng ligang hatid ng Shakey’s Pizza.
Sa pang-alas dos na laban, asam ng Lady Stags na maipagpatuloy ang momentum mula sa six-game win run sa pamamagitan ng paggupo nito sa USJ-R na lumuhod sa four-setter game kontra Bacolod noong Linggo.
Subalit ang pinanabikang dwelo sa pagitan ng UST at FEU ay masasaksihan dakong alas-4 ng hapon.
Para sa UST, sasandig ang grupo kina alumna Mary Jean Balse, guest player Michelle Carolino, Maika Ortiz, Bernice Co at setter Rhea Dimaculangan.
Samantala muli namang aasa si Nes Familar sa likod nina Mayette Carolino, Rachel Daquis, Maica Morada, Cherry Vivas at Shaira Gonzales na siyang gumiya sa first QF appearance sa ligang suportado ng Accel, Mikasa at OraCare.
“I’m happy with the way my team is performing but we must improve our floor defense, reception and service,” pahayag ng FEU mentor.
Sa kampo ng SSC, pamumunuan ni Thai import Jaroensri Bualee na pag-iibayuhin ang depensa ng Stags sa tulong nina Suzanne Roces, Lou Ann Latigay, Rysabelle Devanadera at Joy Benito habang ang six-time CESAFI champions ay aarangkada sa pamamagitan nina guest players Erika Verano, Kennette Garces, Carla Dubduban, at Rachel Singson. (Sarie Nerine Francisco)