JAKARTA, Indonesia – May isa pang dapat ipag-diwang ang Smart Gilas Pilipinas ito ay dahil sa okay si American import CJ Giles.
Ayon sa RP team doctor, nalusutan ng 6’11 na si Giles ang anumang seryosong bone fractures at torn ligament matapos ang nakakatakot na pagbagsak niya sa ikatlong quarter sa 91-86 panalo ng Nationals kontra sa Al Riyadi ng Lebanon noong Biyernes.
“CJ was diagnosed with only a strained quadriceps, all he needs is to rest,” ani RP strength and conditioning coach Jimbo Saret, na kasama ni physical theraphist Albert Rolle dito.
Ngunit hindi pa rin ito pinalaro ni Serbian coach Raj-ko Toroman nang harapin ng Smart Gilas ang Kuwait kagabi sa huling laro ng eliminasyon ng 20th FIBA-Asia Champions Cup sa Britama Arena dito.
“We’ll try to recover him, not put him in the game against Kuwait so that he’ll time to rest,” ani Toroman. Ang panalo sa Lebanon, na pumangalawa sa 2007 FIBA-Asia Championship na pinangunahan ng Toroma-mentored Iran sa Tokushima, Japan, ay naglagay sa RP deretso sa quarterfinals.
Ang pagkawala ni Giles ay magbibigay naman sa malalaking tao na sina Filipino-American Greg Slaughter, Jason Ballesteros at Aldrech Ramos ng tsansang makalaro ng mahaba at makakuha ng international exposures.
“If CJ can’t play it will be (Jason) Ballesteros and (Greg) Slaughter. Maybe we will win, maybe not but for sure they will get some experience because our goal is 2011 (FIBA-Asia Championship or the Asian Olympic qualifier),” ani Toroman.
Ang mga Pinoy, kasalukuyang 2-1 bago hinarap ang Kuwaitis, ay nasiguro na ang No. 2 spot sa Group A at haharapin ang No. 3 team sa Group B.
At ito ay alinman sa Al Arabi ng Qatar, Satria Muda ng Indonesia o Young Cagers ng India, na kasaluku-yang humahawak ng 2-1, 1-2 at 1-2 win-loss card, ayon sa pagkakasunod.
Kung ang Indonesians, na sinorpresa ang Al Arabi, 84-77 ay magwawagi sa Indians na sinorpresa naman ang Al Wasil ng UAE, 85-77 at matatalo ang Qatari sa Zain ng Jordan na naglalaban pa habang sinusulat ang balitang ito, makukuha ng huli ang No. 2 spot dahil sa win-over-the other rule.
Ibig sabihin makakaharap ng RP ang mas matatangkad, mapanganib na Qatar team sa quarterfinals.
Pero kung matatalo ang Indonesia, ay ookupahan naman ng India ang No. 3 habang 1 o 2 ang Qatar depende sa kanilang laban ng Jordan.
At mapupuwersa ang RP-India match. (JVillar)