Malinis na baraha itataya ng Bulls at Dolphins
MANILA, Philippines - Tatangkain ng nagdedepensang Cebu Dolphins at Batangas na mapanatili ang pananalasa sa Baseball Philippines Series V ngayon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Makakalaban ng Dolphins ang mainit ding Manila Sharks sa tampok na laro ganap na ika-10:30 ng umaga at masusundan ito ng bakbakan sa pagitan ng Bulls at Taguig Patriots dakong alas-2.
Maghaharap muna sa unang laro ang Dumaguete Unibikers at Alabang Tigers ganap na ika-7 ng umaga at kapwa nga nasa ibabang hati ang dalawang koponan sa walong koponang liga na inorganisa ng Community Sports Inc.
Matapos ang unang apat na labanan ay bumabandera ang Bulls sa 4-0 karta habang nasa ikalawang puwesto naman ang Dolphins sa 3-0 baraha upang mamuro ang mga nabanggit na koponan sa awtomatikong puwesto sa semifinals na ibibigay sa dalawang mangungunang koponan matapos ang 10 laro sa classification round.
Ang tropa ni Randy Dizer ay paborito na mapanatili ang kanilang malinis na karta lalo pa’t ang makakatapat na Patriots ay hindi pa nananalo sa unang apat na asignatura.
Pero balikatan ang sagupaan ng Cebu at Manila na nasa ikatlong puwesto sa standings sa 3-1 baraha.
Parehong may ipinagmamalaking pitchers at hitters ang Dolphins at Sharks kung kaya’t masasabing balanse ang dalawang koponan pero ang karanasan ay papabor sa Cebu na natatanging two-time champion sa natatanging semi-professional baseball league ng bansa.
- Latest
- Trending