MANILA, Philippines – Sisikapin ng wala pang talo na University of Santo Tomas na palawigin ang kanilang panana-lasa at isiguro ang kanilang koponan sa playoff para sa quarterfinal seat sa kanilang pakiki-pagtipan sa Ateneo-OraCare sa 6th Shakey’s V-League sa The Arena, San Juan City.
Ang Tigresses na tinalo na ang dalawa sa pangunahing koponan ng liga para sa magandang pagbubukas ng kanilang kampanya sa ikaapat na championship, ang San Sebastian Lady Stags at Adamson Lady Falcons, bago dinispatsa ang baguhang UP Lady Maroons ay bumandera sa 8-team field sa single round robin elimination phase.
Sa kanilang laban ng Lady Eagles, haharapin ng España-based belles ang isang koponan na nangangailangan ng panalo para manatiling nasa tamang landas makaraan ang dalawa talo at isang panalong baraha sa panimula ng liga na hatid ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision.
Ang laban ay nakatakda sa ganap na alas-6 ng gabi pagkatapos ng sagupaan ng Far Eastern University at St. Benilde sa alas-4 ng hapon.
Muling hihilahin ng Thai import na si Keawbundit Sontaya ang Ateneo tulad ng kanyang ipinakitang porma sa kanilang laban ng San Sebastian kung saan tinapatan niya ang 23 point performance ng kapwa niya Thai import na si Bualee Jaroensri at asahang makakakuha ng tulong sa mga kakamping sina Charo Soriano, Jamenea Ferrer at Fille Cainglet.
Ngunit doble kayod ang kailangan nila upang pigilan ang Tigresses na babanderahan nina Mary Jean Balse, Abigail Co, Judy Ann Caballejo, Maika Ortiz at Rhea Dimaculangan. (Sarie Nerine Francisco)