Good luck!, wika ni Clinton kay Pacquiao
LAS VEGAS – Mismong si Bill Clinton, ang ex-President ang bumati kay Manny Pacquiao at nagpahayag ng ‘good-luck’ sa Pinoy para sa pinanabikang laban nito kay Ricky Hatton.
Naghahanda na para matulog ang Pinoy icon bandang alas-10 ng Miyerkules ng gabi ng nakatanggap ito ng importanteng tawag mula sa dating Pangulo ng Amerika, na nasa Las Vegas para sa kanyang speech sa global convention sa recycling, at nais itong makausap.
Katatapos lang ni Pacquiao ng kanyang rosaryo nang tumawag si Clinton.
Mabilis itong bumangon, nagpalit ng damit at agad bumaba sa lobby ng Mandalay Bay. Isang pribadong limousine ang naghihintay sa Pinoy at mallit na entourage. Dinala sila sa Four Seasons Hotel kung saan naghihintay si Clinton.
Dinala si Pacquiao sa isang kuwarto kasama ang mga kaibigang sina Environment Secretary Lito Atienza, National Security Adviser Chavit Singson, trainer Michael Moorer at Canadian Mike Koncz na nagset-up ng importanteng miting na ito.
Ayon sa ilang saksi, mahigpit ang seguridad sa loob at labas ng kuwarto kung saan isang dosenang Secret Service agent ang naroroon. Isang camera lamang ang pinayagan sa loob ang kumuha ng larawan ni Pacquiao na kasama si Clinton.
Tumagal lamang ng 10 minuto ang pagtatagpo.
“He just said good luck to me,” kuwento ni Pacquiao tungkol sa paghaharap nila ni Clinton, ang dating pinaka-powerful na tao sa mundo.
“It is my honor to meet him. He said a few other things but I couldn’t remember them. But we talked about the fight and I knew he likes boxing. He was kind. But it was quick because I had to rest,” ani Pacquiao.
- Latest
- Trending