LAS VEGAS -- Nagpapahinga na sa loob ng malawak na hotel ng Mandalay Bay si Manny Pacquiao nang abala naman si Ricky Hatton sa pagpapawis at humarap sa media sa MGM Grand Garden Arena, na ilang bloke lamang ang layo.
Sinalubong ni Pacquiao ang Martes ng umaga sa pag-inom ng maligamgam na gatas at bandang alas-6:30 ng umaga ay nasa UNLV campus track oval para sa light routine. Tumakbo lamang ng maikling wind sprints at nagtagal sa pagpapabilis ng footwork sa pamamagitan ng obstacled, criss-cross runs.
Bandang tanghali, pormal na sinalubong ito sa lobb ng kanyang hotel. Si Hatton naman ay sinalubong sa MGM ganap na ala-una y medya ng hapon.
Sa nalalapit na araw ng laban, na nakatakda sa Sabado sa MGM, mga magagaan na galaw at madaliang bisita sa gym ang ginagawa ni Pacquiao at panay tingin sa timbangan. Medyo lalagpas, tatama at minsan pa’y mas magaan sa 140 lbs limit sa ngayon.
Sa kabilang dako naman, si Hatton ay panay shadow boxing sa harap ng media na tanging suot ay itim na Ricky Hatton shorts, Nike shoes at adidas na medyas. Tumitigil para magpakuha ng larawan, nakikipagpalitan ng ngiti at gumagawa ng ingay sa pagboboksing sa invisible na kalaban.
Nagsalita din ito tungkol sa nalalapit niyang laban at tulad ng kanyang trainer na si Floyd Mayweather Sr., kumpiyansa din ang IBO junior welterweight champion mula sa Britain.
“He can say he’s smaller than me but he’s got the speed and I may be bigger but I got the power. Years ago maybe Manny would have been a lot more comfortable with me,” ani Hatton.
“He’s only got two fights over 130 pounds. Not to disrespect Manny but he’s been hurt several times with body shots and head shots in lower weight divisions and that gives me confidence.” (Abac Cordero)