MANILA, Philippines - Nakaahon na ang Adamson Lady Falcons mula sa five point deficit ng deciding game kahapon upang paluhurin ang Lyceum, 25-27, 25-20, 19-25, 25-11, 15-11, sa kanilang sagupaan para sa 6th Shakey’s V-League sa The Arena, San Juan City.
Naging masalimuot ang 1st at 3rd set para sa defending champion ng liga dahil sa kakulangan ng guest player na si Nerissa Bautista.
Nahirapan ang Lady Falcons matapos pumalo ang pambato ng Lyceum na si Dahlia Cruz ng back to back service winners.
Subalit hindi rin nagawang pigilan ng Lady Pirates ang pag-ahon ng Adamson matapos ang mighty comeback ni Pauline Soriano na nagrehistro ng 12-3 counter-attack para igupo ang tropang mula Intramuros.
Sa kombinasyon nila Rissa Jane Laguilles na nag-ambag ng 17 hits, kumana rin ng 15 points si skipper Angela Benting para sa Adamson.
Hindi rin nagpahuli sila Lilet Mabbayad at Soriano na nagtala ng 14 at 12, ayon sa pagkakasunod.
Mahina rin ang naging atake ng Lady Pirates sa pangunguna ni Nica Guliman at Joy Cases na tumirada lang ng 18 puntos para sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza at suportado ng Accel, Mikasa at OraCare.
Kinulang rin ang koponan ng opensa matapos mabigyan ng disciplinary action ang top hitter ng Pirates na si Jill Gustilo.
Sa ikalawang laro, halos hindi pinagpawisan ang San Sebastian nang igupo nila ang St. Benilde, 25-12, 25-9, 25-17, at makatabla ang kanilang biktima sa Ateneo sa ikaapat na posisyon na may 1-1 baraha.
Nanalasa ang Thai import na si Bualee Jaroensri na may 20 hits kabilang na ang 16 kills para sa SSC. (Sarie Nerine Francisco)