POC at PSC, 'di pa rin nagkakasundo

MANILA, Philippines – Matapos ang ilang linggo sapul nang pulungin ni Health Secretary Eduardo Duque para sa pagbuo ng isang Memorandum of Understanding (MOU), tila malayo pang magkasundo sina Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping.

Sinabi kahapon ni Cojuangco na muli na namang gumaganti sa kanya si Angping sa pamamagitan ng panggigipit sa mga kaalyado niyang National Sports Associations (NSA)s.

Ilan sa mga NSAs na nasa kampo ni Cojuangco na ginigipit ni Angping ay ang table tennis, judo, sepak takraw at wushu.

Si Angping ang naging chief campaigner ni Presidential half-brother Art Macapagal ng shooting association sa nakaraang POC presidential election noong Nobyembre 28.

Sa nakuhang 21-19 boto, tinalo ni Cojuangco si Macapagal para sa kanyang ikalawang sunod na termino sa POC. 

“Obvious ito na itong mga binawasan niya ay puro mga bumoto sa akin. Sa akin lang, hindi pulitika ‘yan eh,” ani Cojuangco, dating kinatawan ng Tarlac sa Kongreso, kay Angping. “Sa pulitika maski papaano hindi ginagawa ng matinong politiko ‘yan. I mean, I’ve been a Congressman for five years at maski na papaano sa Congress naglalaban kami doon, pero pagkatapos nu’n tabla na,”ani Cojuangco kay Angping. “Tapos ngayon binawasan nila ‘yung mga atleta. Anong mangyayari sa kampanya natin.” (Russell Cadayona)


Show comments