MANILA, Philippines - Pinatunayan ng FEU Lady Tamaraws, runner-up ng huling UAAP season, ang angking katatagan nang ilampaso nila ang UP Lady Maroons, 25-19, 25-15, 25-14 para sa 2009 Shakey’s V-League sa Flying V Fil Oil Arena sa San Juan City.
Tinarget ng Lady Tams ang mahinang reception ng kalaban para tapusin ang laban sa tatlong set kung saan pinangunahan ito ni Tina Salak na nagpakawala ng 23 matitinding palo para sa kanyang koponan. Hindi rin nagpahuli ang mga beteranong sina Rachel Daquiz na nag-ambag ng 12 hits at tig-11 puntos naman kina Shaira Gonzales at Maica Morada.
“The team still lacks in cohesion as some of my players are still trying to adjust with Tina, who only had a couple of practice games with us due to her commitments with the RP ?team,” wika ni FEU coach Nes Pamilar.
Nagrehistro rin ng back to back hits si Gonzales para kontrolin ang set para sa FEU.
Umatake rin ng 8 kills si Salak, kabilang ang 3 service na tumapos sa hangad na panalo ng UP sa liga na inorganisa ng Sports Vision at sinusuportahan ng Accel, Mikasa at OraCare Mouthrinse.
Sa ikalawang laro, humatak ang Ateneo-OraCare ng 21 hits mula kay Thai import Sontaya Keawbundit nang pigilan ng Lady Eagles ang Lyceum Lady Pirates, 25-20, 22-25, 25-14, 25-19.
Naglista si alumna Charo Soriano ng 13 puntos habang nagdagdag naman si skipper Kara Acevedo ng 12 hits para sa Ateneo, na nakabangon mula sa straight-set na kabiguan sa defending champion Adamson noong Linggo.
Nagpakawala ng 17 hits si Dahlia Cruz at 12 puntos naman si Nica Guliman para sa Lyceum, na nakabawi sa second set ngunit hindi nasustina sa dalawang sumunod na set. (Sarie Nerine Francisco)