Nakuha na ng Cleveland Cavaliers ang pinakamagandang rekord sa NBA.
May kartang 66 panalo at 15 talo ang Cleveland, na may isa pang laro laban sa Philadelphia 76ers ngayong araw. Tinalo ng Cavs ang Indiana Pacers, 117-109 noong isang araw paka maabot ang league record. Tapos na ang Los Angeles Lakers sa kanilang regular season, at tumuntong sa 65 panalo at 17 na talo, kaya wala nang makakahabol sa Cleveland.
Inamin ni LeBron James na bagamat isang hakbang lamang ang kanilang dami ng panalo, malaking hakbang ito patungo sa kampeonatong inaasam nila. Pagdating sa playoffs, di masukat ang halaga ng pagkakaroon ng homecourt advantage, lalo na, halimbawa, kung inabot ng Game 7 sa kahit aling serye.
Di rin mabilang ang halaga ng pagtira sa sariling bahay. Una, kabisado ng mga player ang kanilang homecourt. Kahit mahigpit ang laban, mas mataas ang field goal percentage, dahil doon din sila nag-eensayo. Pag nasa ibang lugar sila, madalas ay hindi man nila nasusubukan ang homecourt ng kalaban. Pangalawa, natutulog sila sa sarili nilang mga tahanan. Masarap ang tulog sa sariling kama, ang pagkain sa sariling bahay. At napapaligiran sila ng mga kaibigan at kamag-anak, at wala silang maaaring gawing mali.
Isa pang kalamangan ng home team na hindi gaanong napapansin ng mga manonood ay ang mga tawag ng referee. Napatunayan na ng ilang pagsisiyasat na mas madalas tumawag ang referee ng mas panig sa home team. Kung pukpukan ang laro, isang foul, o dalawang free throw ay napakalaking bagay. Marami nang serye ang natapos ng isang tawag na maaari namang pumaling sa kabilang koponan.
Pambihira ang home record ng Cavs. Sa ngayon, 39 ang panalo at isa ang talo. Kung manalo sila laban sa 76ers, tatablahin nila ang all-time rekord ng Boston Celtics noong 1986, na binubuo nila Larry Bird, Kavin McHale at Robert Parish.
Bakit napakalakas ng Cleveland? Una, dahil kay LeBron James.
Sawang-sawa na si King James na mapanood ang ibang koponan na nagdiriwang habang siya’y nasa bakasyon. Gusto niyang matikman ang sarap ng ganoong klaseng tagumpay. Kung tutuusin, nagawa na niya ang lahat para sa Cavs, at mukhang siya ang hihiranging Most Valuable Player sa regular season. Bagamat magaganda rin ang numero nila Kobe Bryant ng Lakers at Dwight Howard ng Orlando Magic, mas malayo ang narating ng Cavs dahil kay James.
Bukod dito, malaking tulong ang pag-angat ni Mo Williams. Ang five-year guard ay naglaro sa Utah at Milwaukee sa mga nakaraang limang taon, at agad nag-ambag ng malaki sa Cleveland sa kanyang unang taon doon. Mula sa 5 points per game para sa Jazz, ngayon ay nagtatala siya ng career-high na 17.8 points per game. Dagdag pa, siya ang tumitira sa labas at nagpapabuka ng mga depensa ng mga kalaban.
Hinog na ang Cavaliers para lumaban sa isang championship. Sa simula ng linggong ito, sinagasaan nila ang defending champion Boston Celtics. Marami pa silang dadaanan, tulad ng Detroit Pistons sa unang round ng playoffs. Pero kung may isang koponan na gutom at handang makipagpatayan para sa championship, iyon ang Cavs.