Titulo idedepensa ni Donaire
MANILA, Philippines - Bukod sa suot na korona, masakit ring matalo sa harap ng iyong mga kababayan.
Ito ang pahayag kahapon ni world flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. kaugnay sa kanyang ikatlong sunod na pagdedepensa ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) titles kontra kay Mexican challenger Raul “Cobra” Martinez sa Linggo sa Araneta Coliseum.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lalaban ang 26-anyos na tubong General Santos City sa Pilipinas.
“It’s always good to fight a gentleman. I’m confident in my ability and he’s confident in his ability,” wika ni Donaire. “Mas mabigat sa akin ang laban sa harap ng mga kababayan ko at ayokong mabigo sa harap nila.”
Ibabandera ni Donaire, nakabase ngayon sa San Leandro, California, ang 20-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs, samantalang dadalhin naman ng 27-anyos na si Martinez ang 24-0-0 (14 KOs) slate.
“I’ve been training really hard for this fight,” ani Martinez, dalawang sunod na beses na nakansela ang laban bago makuha ang alok ng kampo ni Donaire. “I knew that it’s a big risk coming into the champion’s country. But I knew I paid my dues in my boxing career and I already had the experience.”
Maliban sa pagdedepensa ni Donaire kay Martinez, itatampok rin ang paghahamon ni dating world light flyweight titlist Brian “The Hawaiian Punch” Viloria kay IBF light flyweight king Ulises “ Archie” Solis sa Big Dome.
“I know I have to try my very best to wrest that crown from Ulises Solis. I had a good year, and hopefully, I can bring it up on Sunday,” sabi ng 28-anyos na si Viloria, may 24-2-0 (14 KOs) kumpara sa 28-1-2 (20 KOs) ng 27-anyos na si Solis.
Bago si Viloria, dating World Boxing Council (WBC) light flyweight ruler, tinalo na ni Solis, tinaguriang “Filipino Executioner”, sina Filipino challengers Bert Batawang, Rodel Mayol at Glenn “The Filipino Bomber” Donaire, kuya ni Nonito, Jr. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending