ABALA NA ULI ANG SPORTS WORLD
Tahimik ang sports noong Semana Santa. Siyempre ang lahat ay nagnilay-nilay at nagtika.
Matahimik ang kapaligiran dito sa Kamaynilaan at kalapit na probinsiya pero hindi sa mga lugar na may mga beach o resort.
Sana naging makabuluhan ang nagdaang linggo para sa lahat.
* * *
Noong Linggo, nagbalik na ang PBA Games makaraan ang mahabang bakasyon.
Ngunit higit na pinagkakaabalahan ngayon ay ang nalalapit na All-Star Week kung saan masisilayan muli ang PBA-Team Pilipinas.
Hindi kasi nasiyahan ang marami sa goodwill series na ginanap sa pagitan ng Nationals at ng bisitang Australia.
Para sa marami walang bigat ang nakalabang Aussies ba-gamat matatangkad ang mga ito.
Nais ng maraming makita ang kinahinatnan ng pagsasanay ng National team.
Bagamat kulang sa actual practice game, siyempre, may ini-expect pa ring resulta ang mga manonood.
Maganda-ganda ring practice game ang All-Star Week na binago ang pormat para sa RP-5.
So wait na lang tayo sa magiging resulta.
* * *
Magsisimula na ang PBL ngayon at inaasahang kakaliskisan ang Oracle Residence na pumalit sa Harbour Centre.
Marami ang interesado kung maipagpapatuloy ba ng Oracle Residence ang dominasyon ng Batang Pier, na umani ng anim na sunod na titulo sa amateur league.
Marami na rin ang nawalang players ng Harbour Centre kasabay ng pagreretiro ng kanilang pangalan, pero hindi maiiwasang maikukumpara ang Oracle sa kanilang sister team na Harbour Centre.
Pwes hintayin na lang natin at panoorin.
* * *
Papalo na sa Abril 19 ang Shakey’s V-League at marami na ang nag-aabang dito.
Unti-unting nagkakaroon ng pangalan at higit sa lahat nagkaroon na ng personalidad ang liga.
Meron na ring sinusundang idolo ang mga manonood at higit sa lahat inaabangan na rin ang mga may pangalang players.
Di ba’t dito unang nakilala si Stephanie dela Vega-Mercado, ang magandang dalaga ni dating Asia’s sprint queen Lydia de Vega-Mercado?
Kamakailan lumbas na rin sa ilang pahayagan na nahihilig naman ang anak ni Elma Muros sa volleyball at ang anak ni Allan Caidic na si Marice.
* * *
Kung noong isang taon ay walang Tour na naganap, ngayon naman dalawa ang nakatakdang kumarera sa kalsada.
Actually, nagsimula na kahapon ang Tour of Luzon na hatid ng Liquigaz samantala sa Mayo naman ang Padyak Pinoy.
Magandang pangitain ito para sa mga siklista.
At least kahit 7 stage lang ang mga ito mayroon na silang sinasalihan hindi tulad noong nakaraang taon na wala, blangko ika nga. Ngayon may magandang hinaharap na ang mga sikislista.
- Latest
- Trending