MANILA, Philippines - Katulad ng mga nakaraang laban ni Ricky Hatton, inaasahan ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao na ma giging agresibo rin ang Briton world light welterweight champion sa oras ng kanilang upakan.
At dito, ayon sa 30-anyos na si Pacquiao, ilalantad niya ang kahinaan ng International Boxing Organization (IBO) titlist na si Hatton.
“We see a lot of weakness in Hatton,” wika ni Pacquiao sa panayam kahapon ng Mirror.co.uk. “I expect him to be coming forward and fight toe-to-toe, and I like that.”
Magtatagpo ang mga landas nina Pacquiao, ang tanging Asian fighter na nagkampeon sa apat na magkakaibang weight divisions, at Hatton sa Mayo 2 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Pacquiao, ang malinis na panalo sa 30-anyos na tubong Manchester, England na si Hatton ang kanyang hangad.
“I’m not looking for a knockout,” ani Pacquiao, nagdadala ng 48-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs, habang may 45-1-0 (32 KOs) naman si Hatton. “I don’t want any distractions in my mind.”
Sinabi naman ni Hatton na ibang klaseng Ricky Hatton ang makakalaban ni Pacquiao na hindi nito inaasahan.
Matapos matalo kay Floyd Mayweather, Jr.. via tenth-round TKO noong Disyembre 8 ng 2007, umiskor si Hatton ng isang unanimous decision kay Juan Lazcano noong Mayo 24 ng 2008 at isang 11th-round TKO kay Paulie Malignaggi noong Nobyembre 22 ng 2008. (RCadayona)