Magkukrus ng landas ang tournament leaders na San Miguel Beer at Rain or Shine sa isang kapana-panabik na showdown sa pagbabalik-aksiyon ng Motolite PBA Fiesta Conference elimination ngayon sa Araneta Coliseum.
Kapwa nananabik ang dalawang koponan sa kanilang pagbabalik aksiyon na nakatakda sa ganap na alas-6:30 ng gabi.
Mauuna rito, maghaharap naman ang Alaska Milk at Coca-Cola sa alas-4 ng hapon.
Bagamat injured ang karamihan sa pangunahing players ng San Miguel, dinomina nila ang kaagahan ng yugto ng season-ending tourney, nang mapagwagian nila ang unang anim na laro na may average na 10.5 puntos.
Naniniwala si SMBeer coach Siot Tanquingcen na nagawa nila ang kanilang trabaho nitong nagdaang Semana Santa upang mapanatiling kompetitibo ang kanilang porma. Hu-ling naglaro ang Beermen noong Marso 25 kung saan tinalo nila ang Barangay Ginebra, 95-80.
Samantala, ang Rain or Shine ay nakakapit sa liderato ng San Miguel sa kanilang 5-1 baraha.
Kumiyansa ang Elasto Painters na magiging maganda ang kanilang ilalaro ngayon lalo pa’t impresibo din ang performance ng kanilang import na si Jai Lewis.
Sa katunayan, si Lewis ang namumuno sa Best Import award category sa kanyang 55.0 statistical points sa laro.
Kasunod naman si Anthony Johnson ng Sta.Lucia na may 53.9 SPs bawat laro, na sinusundan nina Talk N Text’s Tiras Wade (53.2), Ginebra’s Rod Nealy (47.4), Alaska’s Rosell Ellis (45.3), SMB’s Gabe Freeman (43.0), Barako Bull’s Scooter McFadgon (42.6), Coke’s James Penny (40), Purefoods’ Jahmar Thorpe (34) at BK’s Shawn Daniels (33.6).
Mismong si Lewis ay nananabik na magbalik sa laro matapos mabiyayaan ng isang linggong bakasyon pagkatapos ng kanilang huling laban kontra sa Sta. Lucia noong Marso 27.
“The players worked hard and injuries to some of our players were healed. We’re in high spirits returning from the break,” ani Rain or Shine coach Caloy Garcia.
Malugod ding tinanggap nina coach Tim Cone ng Alaska Milk at Kenneth Duremdes ng Coca-Cola ang bakasyon na nagbigay sa kanila ng mahabang oras para makatrabaho ng husto sina import Rosell Ellis at James Penny. (NBeltran)