Barako Bull may bagong import
Tiyak nang may bagong reinforcement na ipaparada ang Barako Bull sa pagbabalik ng mga aksyon sa 2009 PBA Fiesta Conference.
Sinabi kahapon ni head coach Leo Isaac na dumating na si Jeff Varem, naglaro para sa Coca-Cola noong 2007, sa bansa bilang kapalit ng high-scoring na si Scooter McFadgon na siyang naging pinakamaliit na import ngayong torneo.
“Bukas (Huwebes) pa siya magsisimula ng practice sa team ng Barako Bull, kaya bukas ko pa rin malalaman kung paano siya talaga maglaro,” wika ni Isaac sa 6-foot-6 na si Varem, pinuntirya rin ng Alaska bago ibalik si Rosell Ellis.
Muling matutunghayan si Varem, isa ring Nigerian kagaya ng naging reinforcement ng Photokina franchise na si Julius Nwosu, sa pakikipagtagpo ng Energy Boosters ni Isaac sa Aces ni Tim Cone sa Abril 17 sa Araneta Coliseum.
Sa kanya namang pag-alis, naglista ang 6’3 na si McFadgon ng mga averages na 33 puntos at 7.14 rebounds kada laro ng Barako Bull, may 2-5 baraha sa torneo.
Nakadalo na ang 25-anyos na si Varem, isang produkto ng Washington State University, sa National Basketball Association (NBA) Summer League para sa mga koponan ng Chicago Bulls at Denver Nuggets.
Kapwa hindi nakuha si Varem, naglaro na sa Sioux Falls Skyforce at sa Tulsa 66ers sa NBA Developmental League, sa regular roster ng Bulls at Nuggets sa NBA.
Magbabalik ang aksyon sa 2009 PBA Fiesta Conference sa Linggo tampok ang laban ng Alaska (2-5) at Coke (1-5) sa ganap na alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng nangungunang San Miguel (6-0) at Rain or Shine (5-2) sa alas-6:30 ng gabi sa Big Dome. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending