Hindi Dapat Magmadali
Okay na rin ang pangyayaring walang naturalized player na nakasama ang Smart-Gilas Philippine team sa trip nito sa Serbia kung saan magpapatuloy sa pag-eensayo at makikipaglaro ito kontra sa top team ng division one at dalawang iba pa’ng koponan.
At least ay magkakaroon ng sapat na panahon para sa bonding ang mga manlalaro sa ilalim ni coach Rajko Toroman. Mahahasa sila nang husto dahil wala silang aasahang foreigner sa kanilang mga laban. Sila-sila lang ang makikipagduwelo sa tiyak na mas malalaking makakatunggali.
Mas maganda iyon, hindi ba? Kasi’y lalaban ang tunay nilang galing.
Okay lang kung sakaling matalo sila sa mga Serbians. Kahit paano’y expected iyon. Ngayon pa lang naman nagkakasama ang mga miyembro ng RP Team. Mga collegiate standouts ang mga ito at hindi naman mga pros.
Kumbaga’y experience lang naman ang habol nila doon. Kasi nga, ang tunay nilang puntirya ay ang makabalik sa Olympic Games sa 2012 na gaganapin sa London.
Iyon din sana ang layunin ng all-pro team na iginiya ni coach Vincent “Chot” Reyes dalawang taon na ang nakalilipas. Mahabang panahon ang ginugol ni Reyes at ng PBA sa paghahanda para sana makapaglaro sa Beijing Olympics noong nakaraang taon.
Nag-training ang team sa Estados Unidos at sa Europe. Naglaro din ito sa Jones Cup. Pero nang lumahok na ito sa FIBA Asia men’s championship na siyang qualifying tournament para sa Beijing Olympics ay nadiskaril ito.
Natural na marami ang nanghinayang sa nangyari sa RP team na iyon.
Kaya naman iba ang approach ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ngayon. Isang all-amateur team ang sinasanay ng isang foreign coach para matupad ang ambisyong makabalik sa Olympics.
Mahaba ang prosesong ito. Biruin mong 2009 pa lang ngayon at sa 2012 pa ang target.
Okay lang ito.
Kasi nga’y ginagawa ito ng mga ibang bansa na kung tutuusin ay mas malalakas kaysa sa atin at mas malawak ang base na pagkukunan ng mga manlalaro.
Long overdue na ang ganitong klaseng programa.
At siyempre pa, kasama sa programa ang pagkuha ng isang naturalized player.
Dumating sa bansa noong nakaraang linggo si Chris Taft na dating manlalaro ng Golden Sate Warriors. Ito ang unang prospect ng SBP para sa naturalization. Kasi nga, payag naman ang FIBA, na siyang governing body ng basketball sa mundo na maglagay ng isang naturalized payer sa line-up.
Pero hindi pumasa si Taft sa pagsusuri ni Toroman at pinauwi na lang ito.
Hindi naman nagmamadali ang SBP, e.
Marami pa’ng iba’ng puwedeng kilatisin at gawing naturalized player.
Baka kapag nagmadali sa pagkuha ng foreigner na idadagdag sa team ay magkamali pa at imbes na makatulong ito’y maging pabigat.
Nais lang ng SBP na makasegurong hindi ito matatanso!
Sa ngayon, mga locals muna ang siyang sasanayin nang husto.
- Latest
- Trending