Alcantara at kapartner pasok sa doubles finals

MANILA, Philippines - Nakipagtambalan ang humuhusay na doubles specialist na si Filipino teenage phenom Francis Casey Alcantara kay Swedish Daniel Berta upang igupo ang tambalan nina Irish Sam Barry at Kiwi Sebastian Lavie, 6-1, 6-2, upang makasulong sa finals ng 20th Mitsubishi ITF Juniors Championships sa Rizal Tennis Center.

Ang panalo sa No. 6 na kalaban ay nagtakda sa second seed na sina Alcantara at Berta na makaharap ang sinuman kina No. 1 Huang Liang Chi ng Chinese Taipei at Dominik Schulz ng Germany o No. 4 Ben at Riki McClachlan sa finale.

Naantala ang laro dahil sa ulan at kasalukuyang nilalaro pa habang sinusulat ang balitang ito.

Ito ang ikaapat na pagkakataon na nakarating sa doubles finals si Alcantara sa ITF-sanctioned event ngayong taon.

Nakipagtambalan ito kay Hsieh Cheng Peng ng Chinese-Taipei nang maghari sila sa Australian Juniors Open noong Enero at katambal niya si Berta noong nakaraang linggo sa Grade 1 meet sa Malaysia.

Show comments