^

PSN Palaro

Paalam Roland!

GAME NA! - Bill Velasco -

Ngayong araw, ihahatid sa huling hantungan si Roland Dantes, ang kinikilala bilang isa sa mga nagbigay-buhay sa arnis dito sa Pilipinas. Labis ang panghihinayang ng marami dahil maiiwasan ang kanyang pagpanaw. Ayaw lang ni Roland na makaabala, kaya lumala ang karamdamang makukuha sana sa simpleng pagpapagamot.

Kataka-taka na walang sumulat tungkol sa kanyang pagkamatay liban sa inyong lingkod. Kung titignan natin ang pinagdaanan ni Grandmaster Roland, nakakagalit din na walang pumansin o nagbigay-pugay man lamang sa kanya.

Sa burol ni Roland, naroroon ang mga kamangha-manghang paalala kung sino siya at kung ano ang kanyang natamo. Naririyan ang larawan nila ni Arnold Schwarzenegger mula sa 1969 Mr. Universe. Nagwagi si Arnold habang pumang-apat naman si Roland. Katabi nito ang larawan mula sa orihinal na pelikulang “Durugin si Totoy Bato” kung saan naging kontrabida si Roland kay Fernando Poe, Jr. Naroroon din ang larawan ni Roland bilang isang napakabagsik na Lapu-Lapu, at mga stills mula sa kanyang mga international films, tulad ng “The Pacific Connection” kasama si Nancy Kwan.

Mahigit dalawampung taon na mula nang nakilala ko si Roland. Bago pa lamang ang organisasyon ng arnis sa Pilipinas, at marami ang umaasang kakalat ito sa buong bansa. Subalit nanaig ang pulitika, at si Roland, pinagkaisahan. Tinanggal siya sa samahang siya ang bumuo. Sa sama ng loob, umalis siya sa Pilipinas.

Mula sa kanyang bagong tahanan sa Melbourne, Australia, inikot ni Roland ang mundo upang ituro ang arnis sa Amerika, Europa, Australia at Asya. Nabansagan itong FMA o Filipino Martial Art, at tinanggap ng mga dayuhan. Naging kilala ang FMA dahil kay Roland at ilang Pinoy masters na iniwan ang sarailing bayan upang palaganapin ito.

May nakain si Roland noong Biyernes na nagpasama ng kanyang pakiramdam. Subalit ayaw niyang pumunta ng doktor. Sabado, bagamat namamaga na ang paa niya sa gout, ipinagpatuloy pa niya ang weights routine niya kasama ang kanyang pamangkin. Linggo, dumudugo na ang kanyang paa, pero isinuksok pa niya ito sa sapatos at pumunta pa sa isang pagtitipon ng mga arnis masters. Gabi na siya umuwi’t masama na ang lagay.

Dakong hatinggabi nang narinig ng kanyang pamangkin ang kanyang ungol.

Halos laglag na sa kama si Roland, at utal nang humihingi ng saklolo kay Hesus. Inatake na siya sa puso. Dead on arrival si Roland sa Philippine Heart Center, 1:52 ng umaga noong Lunes.

Noong Huwebes ng gabi, dumating ang kanyang dalawang ate na sila Tita at Yvonne mula sa Amerika, at di pa rin makapaniwalang wala na siya. Nagpasalamat sila sa lahat ng nagpakita ng pagmamahal sa kanilang kapatid. Ang ilan sa mga estudyante ni Roland ay dumating noong Biyernes.

Pangarap ni Roland ay muling pag-isahin ang arnis, dahil ang iba-ibang nagturo nito ay yumabong, pero sa kanya-kanyang lugar at pamamaraan.

May plano si Roland na bumuo ng kapatiran sa kali, escrima at arnis, nang sa wakas ay may mangyari na sa kanyang minahal na sport.

Sana hindi rin mailibing ang kanyang huling hiling.

AMERIKA

ARNOLD SCHWARZENEGGER

BIYERNES

FERNANDO POE

FILIPINO MARTIAL ART

GRANDMASTER ROLAND

KANYANG

MR. UNIVERSE

PILIPINAS

ROLAND

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with