Purefoods ubos sa Rain or Shine
MANILA, Philippines - Sinamantala ng Rain or Shine ang pagkakataon na nangangapa ang nagdedebut na si Jahmar Thorpe sa Purefoods at itala ang 110-90 lopsided na panalo sa kanilang out-of-town showdown sa Victorias City Sports and Recreational Arena sa Negros Occidental sa pagpapatuloy ng Motolite PBA Fiesta Conference.
Naglaro ang Elasto Painters ng up-tempo game na hindi nakayanan ng Giants at makaganti ang Rain or Shine para sa kanilang 4-1 marka.
Muling nagpakita ng solidong double-double performance si import Jai Lewis sa kanyang kinanang 26 puntos at 20 rebounds at palawigin ng Elasto Painters ang kanilang panalo sa tatlo.
Yumuko ang Rain or Shine sa Giants, 94-102 sa kanilang unang pagkikita habang hinihintay si Lewis. Ang kanilang import pa noon ay si Charles Clark habang si Brian Hamilton naman ang sa Purefoods.
At sa rematch kagabi , nagtrabaho ng husto ang Elasto Painters at nasustina ang mataas na enerhiya para ipalasap sa Giants ang kanilang ikatlong kabiguan kontra sa dalawang panalo.
Kinuha nila agad ang opening quarter sa 31-22 at 59-43 sa halftime para mapanatili ang double-digit na kalamangan sa buong second half sa harap ng dinumog na bagong gawang playing venue sa Victorias-- ang pinakamalaking crowds na sa kasalukuyang out-of-town ng liga.
Dinomina nila ang unang 24 minutong bakbakan at daigin ang Giants sa kabuuan ng laban.
Higit na nagpakita ng magandang shooting, rebounding at passing ang Rain or Shine na dalawang beses umabante ng 16 puntos sa second quarter na ang una sa iskor na 51-35 sa triple ni Rob Wainwright.
Nakapag-convert din ang Elasto Painters ng 58 percent sa kanilang shooting habang ang Purefoods ay kumana lamang ng 41 percent sa first half.
Samantala magbabalik aksiyon ang liga sa Araneta Coliseum sa paghaharap ng Sta. Lucia at Alaska sa ganap na alas-4 ng hapon na susundan ng bakbakan ng Barako Bull at Talk N Text sa alas-6:30 ng gabi.
Puntirya ng Realtors ang ikaapat na panalo habang ikatlo naman sa Aces.
Magtatangka naman ng kanilang ikalawang panalo ang Energy Booster matapos makapasok sa win column habang ikatlong panalo ang asinta ng Tropang Texters.
Rain or Shine 110-- Lewis 26, Norwood 16, Wainwright 13, Mercado 12, Araña 11, Reyes 10, Dulay 6, Laure 5, Salang-sang 5, Isip 4, Andaya 2, Ibañes 0.
Purefoods 90 -- Simon 23, Thorpe 21, Raymundo 11, Yap J. 9, Allado 9, Canaleta 8, Villanueva 8, Yap R. 1, Alvarez 0, Vergara 0, Robinson 0.
Quarterscores: 31-22, 59-43, 81-72, 110-90.
- Latest
- Trending