MANILA, Philippines - Matapos matalo sa nakaraang championship series sa three-time champions San Beda College, kumpiyansa pa rin ang Jose Rizal University na muli silang makakapasok sa finals ng darating na Season 85th ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament.
Ito ay sa kabila ng pagkawala sa koponan nina power forward Jay Nocum at big guard Maui Pradas bunga ng kanilang nagamit nang NCAA playing years.
“Malaking bagay din ‘yung dalawa kasi starters sila, but I’m confident na kaya pa rin naming makabalik ng finals this year,” wika kahapon ni head coach Ariel Vanguardia sa kanyang Heavy Bombers na tinalo ng Red Lions sa 2008 NCAA Finals.
Sa tuluyan nang pagkawala nina 6-foot-8 Nigerian Sam Ekwe at 6’3 Ogie Menor sa San Beda ngayong taon, umaasa naman si Vanguardia na pamumunuan ng nakuha nilang 6’8 Cameroonian ang Jose Rizal.
“Our new player is athletic like Njei,” pagkukumpara ni Vanguardia kay Nchotu Njei.
Hangad ng Heavy Bombers na maibsan ang kanilang pagkauhaw sa korona makaraan ang 36 taon.
Maliban sa San Beda, itinuring rin ni Vanguardia na mga title-contenders ang San Sebastian College, Letran at Mapua, hahawakan ngayon ni Chito Victolero matapos tanggapin ni Leo Isaac ang coaching job sa Barako Bull sa PBA.
“Even Saint Benilde can be a contender since they already gained enough experience and have already adjusted to coach Gee Abanilla’s system. So expect a lot of action this year,” ani Vanguardia.
Bilang preparasyon sa 2009 NCAA, nakatakdang lumahok ang Heavy Bombers sa ilang pre-season tournaments simula sa susunod na buwan, ayon kay Vanguardia.
At sa paglahok na ito ng tropa ni Vanguardia sa mga pre-season, ito ang magbibigay sa kanila ng motibasyon para sa inaasam na pag-entra sa finals.