15-day ultimatum ng COA kay Cojuangco sasagutin niya

MANILA, Philippines - Handa si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. na tugunan ang 15-day ultimatum ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa sinasabing halos P75 milyong unliquidated account ng Philippine Southeast Asian Games Organizaing Committee (PHILSOC) noong 2005.

Mula sa pagdalo sa pulong ng Olympic Council of Asia (OCA) kung saan siya pinarangalan ni International Olympic Committee (IOC) president Jacque Rogues ukol sa pinakamaliit na pondong ginasta sa 2005 Philippine SEA Games, sinabi ni Cojuangco na may sapat na papeles ang PHILSOC para pabulaanan ang ulat kamakailan ni State Auditor V Mario G. Lipana ng COA.

“Iyong 15 days nila itaya nila. Gusto kong makita kung ano ‘yung sinasabi nilang unliquidated,” ani Cojuangco sa COA at sa Philippine Sports Commission (PSC). “Alin ang audited report ng PSC? Hindi namin alam eh. Sila lang ang nagsasabi eh. Kami, nakahanda ang papeles at all the time ready kami.”

Ayon sa COA, hindi pa naibabalik ng PHILSOC, pinamahalaan ni Cojuangco bilang chairman, ang  P74,634,507.50 financial assistance (FA) ng PSC na bahagi ng P167 milyong suporta para sa 2005 SEA Games.

Sinabi naman ni Cojuangco na ang P99,011,903.21 na halaga ng sports at venues equipment ang siyang ipinambayad ng PHILSOC sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) kay dating PSC chairman William “Butch” Ramirez.

Si Ramirez, sinabi ni Cojuangco na hindi niya naging kaaway sa nakalipas na apat na taon niya sa POC, ay pinalitan ni Harry Angping noong Pebrero 1.

 “Sila ang nakakaintindi niyan eh. Basta kami ang alam namin ganito ang tinanggap namin at meron na kaming papeles na liquidated na ‘yan,” ani Cojuangco sa audit report ng Sycip, Gopez & Velayo (SGV) firm. “The most important thing is this, bakit ngayon lang nila ilalabas ‘yan when Sycip, Gopez and Velayo already came up with an audit report. I don’t think  form like Sycip, Gopez and Velayo would risk their name just for this.”

Para makuha ng PHILSOC ang competition at venue equipments na ginamit sa 2005 SEA Games, nag-isyu ang PSC ng tsekeng P100 milyon sa Philippine National Bank (PNB) noong Hulyo 31 ng 2005 para magamit ng una bilang Letters of Credit (LC).

 Sa libro ng CoA, nakapag-liquidate ang PHILSOC ng P93 milyon at kulang pa ng P74,634,507.50. (Russell Cadayona)

Show comments