Sino kaya ang tatanghaling pinakamatulin na bangkero at dragon boat team sa pagha-harap ng mga batikang atleta sa larangan ng palakasang dagat sa gaganaping Manila Bay Summer Seasports Festival, na nakatakda sa ika-28 at 29 ng Marso?
Inaasahang lalahok ang batikang mga bangkero mula Batangas, Cavite , La Union, Pangasinan, Mindoro, Iloilo, Aklan, at Dipolog. Kasali rin ang mga bangkang “Storm” at “Joan” na siyang nagwagi noong nakaraang taon.
Sa dragon boat race naman, mapapanood ang mga Olympic rowers, Southeast Asian Games medalists, at miyembro ng World Champion Philippine National Dragon Boat Team na nagwagi noon sa Sydney, Australia. Mga kampeonato sa Men’s Open, Women’s Open, at Mixed Open ang paglalabanan ng mga koponan ng Philippine Navy, Philippine National Police, Camarines Sur, De La Salle University, University of the Philippines, University of Santo Tomas, San Beda College, Accenture, Lufthansa Technik Philippines, Aqua Fortis, Pyros, PDRT Fireblades, Manila Dragons, Manila Blazing Paddles, Manila Wave, Blue Phoenix, Maharlika, RCP Sea Dragons, Dragon Pilipinas, at ESC Dragon Club.
Nasa ikawalong taon na ang Manila Bay Summer Seasports Festival, na handog ng Manila Broadcasting Company at Lungsod ng Maynila, sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard.
Alas-otso ng umaga ang simula ng mga karera. Inaanyayahan din sina Bugoy, Maricris Garcia, at ang bandang Rock-steddy upang magtanghal sa awarding ceremony.
Ang Manila Bay Summer Seasports Festival ay suportado ng Caltex, Gold Eagle Beer, Revicon, Splash Manufacturing Corporation, RFM, M. Lhuillier, Cord Marine Epoxy, at Briggs & Stratton.