MANILA, Philippines - Nagtala ng dalawang panalo ang pangunahing RP campaigner na si Cecil Mamiit upang iangat ang Philippines sa 2-1 abante kontra sa Hong Kong sa kanilang Asia-Oceania Zone Group II duel sa Victoria Park sa Hong Kong.
Tinalo ng 32-year-old na si Mamiit, ang reigning back-to-back Southeast Asian Games singles gold medalist, si Hiu Tung Yu, 7-6, 6-1, 6-1, sa pagkumpleto ng kanilang singles match upang itabla ang iskor sa 1-1.
Nauna rito, nakuha ng host ang 1-0 bentahe nang biguin ni Martin Sayer ang debut ni Treat Conrad Huey, 6-4, 7-6, 6-2 noong Biyernes bago nasuspinde ang laban ni Mamiit kay Yu dahil sa ulan.
Bumalik ng hapon si Mamiit at nakipagtambalan kay Huey para sa 7-5, 6-2, 7-6 decision laban kina Sayer at Yu.
Tatangkain ni Mamiit na ibigay sa bansa ang 3-1 bentahe sa pang-alas-2 ng hapon laban kontra kay Sayer sa reverse singles.
Susundan naman ito ng ikalawang reverse singles ni Treat kontra kay Yu.
Ang magwawagi sa tie na ito ay makakakuha ng semifinals at haharapin ang magwawagi sa pagitan ng Pakistan at Oman sa July 10-12 at uusad naman sa finals ang tsansang makapasok sa Group 1.
Ang mananalo dito sa ikalawang round ng tie ay makakaharap naman ang winner ng lower bracket ng draw na binubuo ng second seed New Zealand, Indonesia, Kuwait at Malaysia sa Setyembre 18-20 para sa Group title at pag-usad sa Group 1 sa susunod na taon.
Ang kabiguan naman sa Hong Kong ay magtutulad sa Philippines sa relegation tie kontra sa talunan ng Pakistan at Oman na ang magwawagi naman ay mananatili sa Group II at ang talunan ay babagsak sa Group III sa susunod na taon.