Balayong Festival Offroad Challenge raragasa

MANILA, Philippines - Isa pang kapana-panabik na aksiyon ang ihohost ng Puerto Princesa, ang sports capital ng bansa sa pagdaraos ng Balayong Festival Offroad Challenge sa City Hall grounds sa Marso 13-15.

Naisip ni Puerto Princesa Mayor Edward S. Hagedorn ang kakaibang hamon na 3-in-1 spectacle dahil hindi lamang ang 4x4 off-road vehicles at moto time trials ang dinala niya kundi maging ang mountain bike races bilang bahagi ng pagdaraos ng ika-137th Foundation day ng Puerto Princesa at 5th Balayong Festival.

Ang Balayong Festival ay ginaganap bilang pagbibigay pugay sa kakaibang Balayong Flower endemic na tulad ng Cherry Blossoms sa Japan.

Ang naturang kapistahan ay humahatak ng turista kada taon at ang Balayong Festival Offroad Challenge na hatid ng JVC, Asialink Finance Corp, Ziebart, Bioaktiv Fuel Additive, Mossimo at Auto Transporters at media partners Wave 89.1 FM, Turbo Time Radio Show, Speed TV, C! Magazine at One Sport, ay dagdag na atraksiyon para maging memorable at makadagdag puwersa sa kanilang kampanya sa Puerto Princesa Subterranean River National Park na kilala ring the Underground River para mapabilang sa Seven Wonders of the World.

Ang kakaibang tampok sa event ay ang karera sa gabi para sa 4x4 racers sa Sabado at 4x4 speed race sa Linggo sa magkadikit na motocross track. Ang mga Mountain Bikers ay raratsada sa downhill at cross country race at ihahanda ang mga riders na maramdaman ang kompetisyon.

Para sa iba pang impormasyon tumawag o magtext sa MP Turbo at 0917-8876781, 0919-4921575 o mag-email sa mpturboph@yahoo.com.

Show comments