MANILA, Philippines - Bagamat halos isang linggo pa lamang silang nag-eensayo bilang bagong magkatambal, nakaiskor pa rin ng panalo sina Joshua Alcarde at Jan Berlin Paglinawan ng Far Eastern University.
Iginupo nina Alcarde at Paglinawan ang dalawahan nina Salvador Timbal, Jr. at Marvin Cortez ng National College of Business and Arts, 21-17, 21-16, sa paghataw ng Luzon eliminations ng Nestea Fit Beach Volley National Circuit kahapon sa SM Mall of Asia Bay Area.
Kundi lamang nagkaroon ng injury sa kanyang daliri sa kamay si Nestor Molante ay siya sana ang katambal ng 21-anyos na si Alcarde.
“Last week lang kaming nagkasama kaya marami pa talaga kaming dapat ma-improve kagaya nu’ng sa communication, sa blockings, sa settings,” sabi ni Alcarde .
Makaraang makalapit ang NCBA sa 16-19 sa second frame, dalawang double holding fault naman ang nagawa nina Timbal at Cortez na tuluyan nang nagbigay ng panalo sa FEU, ang kampeon sa Luzon elims noong 2007 at 2008.
Sa iba pang laro, tinalo nina Joseph Ramos at Eden Canlas ng Letran sina Leonel Laraya at James Lorca ng San Beda, 21-15, 21-15; at iginupo nina Salanie Pajiji, Jr. at Alnakran Abdilla ng La Salle-Dasmarinas sina John Competente at Chris Achas ng Adamson, 21-12, 21-16.
Sa women’s side, binigo nina Armhie Macairap at Charmaigne Jaleco ng University of Baguio sina Nicole Dela Cruz at Karissa Villablanca ng San Beda-Alabang, 21-17, 21-18; at pinayukod nina Cindy Benitez at Michelle Remo ng University of the Cordilleras sina Pauleen Genido at Southlyn Ramos ng University of the Philippines, 21-13, 21-12.
Ang top three teams mula sa Luzon elims ay aabante sa national championships sa Boracay sa Mayo 6-9 kung saan nakataya ang top prize P100,000 para sa magkakampeon sa men’s at women’s division. (Russell Cadayona)