Barangay Ginebra magsisimula na ng pagdepensa
MANILA, Philippines - Sisimulan ng Barangay Ginebra ang pagdedepensa ng kanilang titulo sa import-reinforced conference na Motolite Fiesta Cup ngayon at makakasama nila sa pagtatanggol ng korona ang kanilang balik import na si Rod Nealy.
Ang kanilang unang asignatura sa ikalawa at huling kumperensiyang ito ang Coca-Cola sa pagdako ng elimination sa Ynares Center sa Antipolo City sa tampok na laro sa alas-7:30 ng gabi.
Isang balik-import din ang makakatapat ni Nealy na si JJ Sullinger na dating naging import sa Talk N Text.
Si Sullinger ay pansamantalang import lamang ng Tigers dahil hinihintay pa ng Coke na matapos ang kampanya ni James Penny, dati na ring naglaro sa Red Bull, sa Japan na inaasahang darating sa susunod na buwan.
Sa unang laro, maghaharap naman ang Alaska, aasa din sa isang balik-import at ang San Miguel na magpaparada ng bagong reinforcement sa kanilang alas-4:50 ng hapong sagupaan.
Sasandalan ng Aces ang kanilang dating import na si Galen Young habang isang Nate Carter naman ang magiging pambato ng SMBeer na sinasabing isang magaling na player.
Hindi pa rin makakasama ng Gin Kings si Mark Caguioa na ginagamot pa ang tendonitis sa magkabilang tuhod at umaasa si coach Jong Uichico na magiging mabilis ang kanyang paggaling.
Dahil dito, inaasahang si Jayjay Helterbrand ang magdadala ng Ginebra at inaasahan ding magaling na ang mga injuries nina Rafi Reavis, Erik Menk at Ronald Tubid.
Si Kenneth Duremdes na ang magiging full time coach ng Coke at bukod kay Sullinger, naririyan pa sina Asi Taulava, Nic Belasco at Alex Cabagnot na maaasahan niya para mahigitan ang kanyang performance sa nakaraang kumperensiya nang siya ang interim coach. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending