Palaban ang Ginebra
Upbeat ang mga fans ng Barangay Ginebra na siyang nagtatanggol na kampeon sa Motolite-PBA Fiesta Conference na magsisimula sa Marso 1.
Ito’y bunga ng pangyayaring animo’y lumalim ang bench ng pinakapopular na koponan sa bansa matapos na makuha nito sina JC Intal at Doug Kramer buhat sa Burger King (dating Air 21) at Chito Lanete buhat sa Purefoods Tender Juicy Giants.
Bukod doo’y malaki rin ang pusibilidad na makabalik na sa aksiyon ang superstar na si Mark Caguioa matapos na hindi ito makapaglaro sa kabuuan ng Philippine Cup bunga ng tendinitis.
At para makatiyak na maganda ang magiging simula nila sa susunod na torneo ay pinabalik ni coach Joseph Uichico ang datihang import na si Rod Nealy na kabisado na nila.
So, para bang lahat ng mga piyesa ay nasa tamang lugar na para sa Barangay Ginebra.
Magugunitang sa nakaraang conference ay hindi maganda ang naging simula ng Gin Kings. Bagamat nagwagi sila sa unang dalawang games, natalo naman sila ng anim na sunud-sunod na laro at pansamantalang nangulelat. Ang akala nga ng karamihan ay mananatili na sila sa ibaba ng standings hanggang sa matapos ang torneo.
Pero nagmilagro si Uichico at nagkaroon pa nga ng tsansa ang Gin Kings na makakuha ng isa sa dalawang automatic semifinals berths na nakataya sa katapusan ng double round eliminations.
Sa dakong huli’y automatic quarterfinals berth lamang ang kanilang naisalba. At sa quarterfinals ay nagwakas na ang kanilang “lucky streak” at pinayuko sila ng San Miguel Beer.
Masakit din iyon kahit paano. Pero nakakatuwa na rin ang naabot ng Gin Kings. Hindi na rin nakakahiya ang kanilang naging performance. Yun ngang ibang teams na mas buo ang line-up at hindi binagabag ng injuries ay hindi kasing layo ng narating ng Gin Kings ang naabot, e.
Paano pa ngayong buo ang Gin Kings at nadagdagan ng ilang mahuhusay na players?
E, di talagang may karapatan ang mga fans ng Barangay Ginebra na mangarap na mapapanatili ng kanilang paboritong koponan ang kampeonato ng Fiesta Conference.
Malaking bagay kung babalik si Caguioa. Kasi nga, ito ang leading scorer ng team. Mahigit sa 20 puntos ang iniaambag nito kada laro.
Alam din ng lahat ang kakayahan ni Nealy bilang isang scorer. Aba’y mahigit na 30 puntos ang average nito noong unang naglaro para sa Barangay Ginebra.
Si Lanete ay isang mahusay na point guard na makakarelyebo nina Paul Artadi at Jayjay Helterbrand. Kung tutuusin nga’y nandiyan pa si Chris Pacana. Lumalim ang kanilang backcourt.
Malamang na mag-blossom na si Intal sa kampo ng Barangay Ginebra at maibalik ang dating husay na ipinakita niya noong siya’y naglalaro sa Ateneo Blue Eagles.
At si Kramer naman ay isang karagdagang rebounder na makakatuwang nina Eric Menk, Rafi Reavis at Billy Mamaril.
Ang lalim nga!
- Latest
- Trending