PSA President's Award Igagawad Kay Villar
MANILA, Philippines - Isang Senador na kinukunsiderang top supporters ng Philippine sports ang tatanggap ng President’s Award sa susunod na linggong San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion Hotel.
Si dating Senate President Manny Villar ang siyang tatanggap ng nasabing award sa seremonya na nakatakda sa Pebrero 20 dahil sa kanyang aktibong pagganap bilang major backer ng mga Filipino athletes, lalo na sa larangan ng billiards.
Noong nakaraang taon, inilunsad ng Senador ang Manny Villar Cup, ang island-hopping pool series na layuning ma-ipromote ang nasabing sports nationwide. At ang ikalawang season nito ay nakatakdang sumargo sa Pebrero 22--ang Panabenga leg sa Baguio City.
Si Villar ay makakasama na sa listahan ng mga nakaraang tumanggap ng President Awards na kinabibilangan nina boxing sensation Manny Pacquiao, ang 2002 Ateneo men’s basketball team, mountain climbers Pastor Emata, Leo Oracion at Romy Garduce, bowlers Liza Del Rosario, Liza Clutario at Cecilia Yap at cage legend Alvin Patrimonio.
Mangunguna si Pacquiao sa 60 personalidad ng sports at entities na pararangalan ng mga miyembro at officers ng PSA na binubuo ng mga editors at sportswriters mula sa daily broadsheets at tabloids.
Ang boxing idol mula sa General Santos City ang nag-iisang napili para maging 2008 Athlete of the Year at pormal rin siyang iluluklok sa PSA Hall of Fame.
Samantala, ang mga tatanggap naman ng major award ay sina Willy Wang (wushu), golfers Jennifer Rosales, Dorothy Delasin, Dottie Ardina at Angelo Que, Wesley So (chess), Nonito Donaire (pro boxing), Kelly Williams (pro basketball), Dennis Orcollo (billiards), Jonathan Hernandez (horseracing), Ibarra at Go Army (horseracing).
Kabilang rin sa listahan ng awardees sina young athletes Norberto Torres at AR Ramos, gagawaran ng Tony Siddayao award at ang Wushu Federation of the Philippines, na pararangalan bilang (Outstanding National Sports Association (NSA) trophy sa dalawang oras na seremonya.
- Latest
- Trending