Hindi alam ni Armenian world super flyweight champion Vic Darchinyan ang kanyang sinasabi sa paghahamon kay Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Ayon kay Rick Staheli, ang American trainer na tumulong kay Pacquiao sa pagsisimula ng kanyang makulay na professional boxing career, hindi kaya ni Darchinyan ang lakas ng world four-division titlist na si “Pacman”.
“Manny would kill him,” wika ng Philippines-based trainer kay Darchinyan, naghamon kay Pacquiao kamakailan. “He’s been talking like this for a while now but all Vic really wants is a big payday. Everyone wants to fight Manny because it’s huge money, but if it was to ever happen Vic would get absolutely destroyed.”
Si Staheli ang siyang tumayong cornerman ng 30-anyos na si Pacquiao nang agawin nito ang dating suot na World Boxing Council (WBC) flyweight crown kay Chatchai Sasakul ng Thailand noong 1998.
Makaraang makuha ang kanyang unang world flyweight title noong 2004, hindi na itinago ng 33-anyos na si Darchinyan ang pagnanasang makasagupa si Pacquiao sa ibabaw ng boxing ring.
“Keep on bringing your good fighters. I’ll demolish them all,” pagyayabang ni Darchinyan, pinatulog ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. via fifth round para agawin ang hawak nitong International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles noong Hulyo 7 ng 2007, kay Bob Arum ng Top Rank Promotions.
Matapos matalo kay Donaire, umakyat si Darchinyan sa super flyweight division kung saan niya tinalo si Mexican Christian Mijares para sa WBC, IBF at World Boxing Association (WBA) belts patungo sa pagdedepensa kay Jorge Arce ngayon sa The Honda Center sa Anaheim, California.
Kasalukuyang tinutulungan ni Staheli si Shannan Taylor para sa middleweight bout nito kay Anthony Mundine. (Russell Cadayona)