Radical na pagbabago ang ipatutupad ng bagong Philippine Sports Commission chairman na si Harry Angping sa ahensiya at umaasa siyang magagawa niya ito sa lalong madaling panahon upang masimulan na ang paghahanda ng bansa para sa 2009 Laos Southeast Asian Games.
“I want to adopt the word radical in the PSC, we need radical changes to achieve our goal of winning gold medals in Laos,” ani Angping na dumalo kahapon sa flag raising ceremony sa PSC kasama ang mga opisyal at empleyado ng ahensiya sa Rizal Memorial Coliseum.
Sa kanyang unang araw sa ahensiya, tinalakay ni Angping kung papaano niya gagawin ang PSC na maging goal-oriented agency.
“It’s very challenging, this is the first time I’m holding a government post in the executive department,” ani Angping, dating two-term Manila Third District Congressman.
“It’s very challenging managing the people and coordinating with the national sports associations, raising the money and producing gold medals.
“My message to the PSC family is very clear, we produce medals and be goal oriented, that’s our target,” dagdag niya.
Para makamit ang mga hangaring ito, nangangahulugang dapat ituon ang pansin sa sport na mas malakas ang tsansa ng bansa sa Laos kabilang ang boxing, shooting, archery, swimming, billiards and snooker, taekwondo, wrestling, judo, fencing, rowing, cycling, wushu, badminton at bowling.
Ang 15 sports na ito ay bahagi ng 25 sports na nakalista sa Laos Games sports calendar na nakatakda sa Dec. 9-18 sa taong ito. Ang iba pang sport ay indigenous sa ibang bansa tulad ng fin swimming, shuttlecock at petanque lahat ay halos di kilala sa bansa.
Nakipagkita na si Angping, sa board na kinabibilangan nina commissioners Eric Loretizo, Fr. Vic Uy at returnee Joey Mundo at department heads upang simulan ang plano ng ahensiya sa taong ito na nakatuon sa Laos.
Inaasahang makakakuha din ng suporta si Angpin kay dating First Lady Amelita ‘Ming’ Ramos sa Philippine Sports Commission matapos makakuha ng bagong mandate bilang presidente ng Philippine Badminton Association.
Nangako ang PSC chair ng P2 million sa badminton na gagamitin sa pagkuha ng mga foreign coach na magsanay sa mga Filipino players na inaasahan niyang magbubunga ng gold medals sa 2009 Laos SEA Games.
“I attended their election and challenged Mrs. Ramos and she accepted it,” ani Angping na isa sa naging observers ng PBA elections noong Linggo ng gabi.
Ngunit nais munang makita ni Angping ang mga potential talents na kukunin ng badminton bago kumuha ng foreign coach. “If we can find players who have the potential to winning at least a gold medal in Laos, I’m willing to invest some money to get an Indonesian coach or maybe two,” ani Angping. (JOEY VILLAR)