Tropang Texters babawi sa Game 2

Dalawa ang poproblemahin ni Talk N Text coach Chot Reyes sa muli nilang pakikipagharap sa Alaska.

Si L.A. Tenorio at ang kanilang turnovers.

Ito ang dalawang bagay na nagpahirap sa Tropang Texters sa Game-One ng kanilang titular showdown kontra sa Aces na kailangang solusyunan ni Reyes.

“Tenorio ate my guards for breakfast,” wika ng dismayadong si Reyes matapos silang pasadsarin ng Alaska, 102-95 sa opening game ng kanilang best-of-seven championship series para sa titulo ng KFC-PBA Philippine Cup.

“We gave up 27 turnovers, what can I say?” sabi pa ni Reyes. “I thought we played pretty good defense at the halfcourt, but we committed those turnovers and we shot atrociously (37-of-86).”

Tangka ng Aces ang 2-0 kalamangan sa serye sa alas-7:00 ng gabing sagupaan para sa Game-2 ng finals at sisikapin itong pigilan ng Talk N Text.

Kailangang mapigilan ng Tropang Texters si Tenorio na umiskor ng career-high 27 puntos upang sapawan ang kanyang mga katapat na guards.

Naalala ni Alaska coach Tim Cone ang kanyang dating player na si Johnny Abbarientos sa katauhan ni Tenorio.

Para kay Cone, walang magiging silbi ang kanilang unang panalo kung hindi nila ito masusundan. (Mae Balbuena)

Show comments