Panata ni Fortaleza
Malayo si Ricardo “Ric” Fortaleza mula sa Sydney, Australia, kung saan siya ngayon naninirahan. Pero pag nagsalita siya, tila hindi siya kailanman nalayo sa Pilipinas, dahil hindi pa niya nakakamit ang matagal niyang pangarap, ipanalo ang bansa ng Olympic gold medal.
Isa si Ric sa apat na tanyag na Fortaleza brothers na naghari sa amateur boxing noong 1960’s hanggang 1970’s. Ang pinakabata niyang kapatid na si Roger ang dating secretary-general ng Amateur Boxing Association of the Philippines sa ilalim ni Manny Lopez.
Bilang bantamweight, nakakuha si Ric ng ginto sa first Asian Youth Championships sa Tokyo, at sinundan ito sa Asian Games sa Bangkok. Siya rin ang Philippine National Games champion sa limang sunod na taon.
Subalit, noong Munich Olympics, hindi na nakuha ang minimithing ginto.
“In 1972, I missed out on a medal. And I hope to help win one in my lifetime,” pangako ni Fortaleza, na naging coach ni Roel Velasco sa bronze medal sa Barcelona noong 1992. “I can’t get it out of my mind, ever since.”
Matapos ang tatlong sunod na taon bilang amateur boxer of the year, tumigil na si Fortaleza sa boksing noong kalagitnaan ng dekada 70.
Naging coach siya. Noong 1986, siya ang nagpakilala ng amateur boxing sa Oman, at tinulungan silang makapasok sa Olympics.
“I believe that Filipinos can win gold medals in boxing, especially now with the new leadership in the sport,” sabi ni Fortaleza.
Nakita ko ang pagmamahal ni Ric sa boksing sa World Amateur Boxing Championships noong 2007. Nagsusumigaw siya tuwing may laban ang mga Pinoy. Masama ang loob tuwing natatalo, at tuwang-tuwa nang makapasok sa Olympics si Harry Tañamor.
“It was sad to see us waste the opportunity, because we had the support of the Philippine Sports Commission and Smart,” paggunita ni Fortaleza. “Our boys were also tired from the trip, because they arrived too close to the event.”
Nagbalik si Fortaleza upang ilahok ang Fil-Australian na si Robin Palileo sa National Amateur Boxing Championships sa Bacolod.
Nagkampeon ang bata.
“I’m happy I participated here. It was a great experience,” sabi ni Palileo.
“I’m offering my services to the ABAP, here or in Sydney. If they need me, I am here for the country,” pagdiin ni Fortaleza.
- Latest
- Trending