Kung mamimintina ng Harbour Centre ang intensidad tulad ng kanilang ginawa sa opening game ng kanilang semifinal series laban sa kanilang karibal na Hapee Toothpaste, hindi na malayo sa kanila ang finals slot sa 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup para sa inaasam na ikaanim na sunod na titulo.
Kung pagbabasehan ang 85-62 panalo ng mga Batang Pier sa Game-1 ng kanilang best-of-five semifinal series, magiging madali ang trabaho para sa kanila.
“If we can play with the same level of energy, then we have a decent chance of winning again. But I expect them to make some adjustments,” ani coach Jorge Gallent.
Muling sasagupain ngayon ng mga Batang Pier ang Complete Protectors sa pagpapatuloy ng semifinals action sa Ynares Sports Center sa Pasig sa alas 2:00 ng hapon.
Tulad ng Harbour Centre, hangad din ng Magnolia ang 2-0 kalamangan sa kanilang sariling best-of-five semifinal series kontra sa Bacchus Energy Drink sa kanilang alas-4:00 ng hapong pakikipagsagupa.
Ipinakita ng mga Batang Pier ang kanilang lakas sa larangan ng rebounding kung saan dinomina nila ang Hapee, 47-25 na ginamit nila sa ilang fastbreak plays.
Inaasahang muling mangunguna sina Reed Juntilla, Rico Maierhofer, Jerwin Gaco at come-backing Al Vergara para sa Harbour Centre ngunit inaasahan ni coach Gallent na babawi sina Chris Tiu at former UAAP MVP Jervy Cruz. Upang iahon ang Hapee.
“We have to play the game at a semifinals level. We have to match their intensity level if we want to have a chance,” ani coach Gee Abanilla.
Umaasa naman si Magnolia coach Koy Banal kina Neil Raneses, Dylan Ababou at Al Magpayo na siyang mga bida sa kanilang 80-66 panalo laban sa Energy Drinks noong Game-1. (Mae Balbuena)