Masaya ang Hapee
Nagdeliber ng mahahalagang freethrows sina Chris Tiu at Fil-Am Josh Vanlandingham sa huling 11.5 segundo ng labanan kahapon nang igupo ng Hapee Toothpaste ang Pharex, 84-81 sa kanilang do-or-die match na nag-kaloob sa kanila ng semifinal berth sa PBL PG-Flex Linoleum Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Kinumplimentuhan nina Tiu at Vanlandingham ang impresibong performance ng kanilang main man na si Jervy Cruz na tumapos ng double-double sa kanyang 19 points at 10 rebounds para makabawi sa kanyang nakaraang nakakadismayang performance at tuluyang madiskaril ang Pharex sa kanilang inaasam na Cinderella finish.
Sasamahan ng Complete Protectors ang six-peat seeking Harbour Centre, Magnolia Purewater at Bacchus sa Final Four kung saan makakasagupa nila ang mga Batang Pier sa best-of-five series.
Bukod sa pagkopo ng outright semis berth na biyaya ng top-two teams pagkatapos ng elimination round, may prebilehiyo din ang Harbour Centre na mamili ng kalaban at ang kanilang pinili ay ang Hapee na tinalo nila sa tatlong finals duel kabilang ang huling dalawang kumperensiya.
Bagamat noong Lunes lamang nakipag-ensayo sa Hapee si Tiu na tumapos lamang ng pitong puntos dagdag ang pitong assists, naasahan naman ito ni coach Gee Abanilla.
“I think Chris Tiu gave us a great help but we should give credit also to other players, especially our big guys like si Jervy. Hindi pa nagagamay si Chris sa sistema pero he has a big basketball IQ,” ani Abanilla. “Definitely tuloy-tuloy na ang pagbabalik ni Chris, he is committed to play until the end of the conference.”
- Latest
- Trending