Sa mga nakaraang torneo ng Philippine Basketball League ay parating nangungulelat ang Bacchus Energy Drink o Air Philippines na koponang hinahawakan ni coach Lawrence Chongson.
Itinuturing ngang “whipping boys” ang team na ito at sa tuwing may game sila, sinasabing sigurado na ang panalo ng kanilang kalaban.
Well, hindi na ganoong klaseng koponan ang Bacchus. Ibang-iba na ang porma ng Energy Drink Warriors at sa kauna-unahang pagkakataon ay naigiya ni Chongson ang kanyang koponan sa semifinals ng PBL PG Flex Linoleum Cup.
Yun nga lang makapasok sa quarterfinals ay isang achievement na para sa Bacchus at ito’y nagawa ng Energy Drink Warriors nang magtala sila ng 6-6 record sa pagtatapos ng double round elims. Nagtabla sila ng perennial finalist Hapee Toothpaste.
At noong Sabado’y dinurog nila ang Burger King, 69-60 upang makadiretso nga sa semifinals sa kauna-unahang pagkakataon.
Sa larong iyon ay nagbida para sa Bacchus si Paul Lee, isang rookie buhat sa University of the East. Si Lee ay gumawa ng 17 puntos, 11 rebounds, limang steals at tatlong assists sa 27 minuto.
Hanep!
Aba’y parang hindi rookie ang batang ito. Kaya naman bilib na bilib sa kanya si Chongson na nagsabing “Time and again, Paul has always bailed us out.”
At dahil sa very consistent ang performance ni Lee, siya ay isa sa top contenders para sa Rookie award ng conference na ito. O Rookie of the Year award ng season.
Maganda ito kasi magkakasama sina Lee at Chongson sa UE. Napabalitang si Chongson na ang hahawak sa UE Warriors sa darating na season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) matapos na magbitiw ang dating head coach na si Dindo Pumaren.
Gutom na gutom ang Bacchus dahil nga sa ilang conferences din naman itong nagdusa sa ibaba ng standings. Itinotodo ng Energy Drink Warriors ang buo nilang lakas sa kasalukuyang conference.
Sa totoo lang, maganda ang 79-75 panalong naitala ng Bacchus kontra multi-titled Harbour Centre bago nagtapos ang elimination round. Malaking confidence builder ang kauna-unahang panalong iyon ng Bacchus sa Batang Pier.
Aba’y kung kaya nilang pataubin ang isang koponang nagwagi ng huling limang kampeonato ng PBL, walang dahilan upang masindak sila sa ibang koponang makakasagupa nila. Kahit na sino’y hindi nila uurungan.
Mabigat man ang pressure sa balikat ni Chongson, kakayanin niya ito.
Nothing to lose and everything to gain, ‘ika nga!