Muling nagdeliber si Paul Lee para sa Bacchus upang pabagsakin ng Energy Kings ang Burger King, 69-60 para maka-usad sa semifinals ng 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup na dumako sa Guadalupe Viejo Sports Complex sa Makati kahapon para sa pagbubukas ng quarterfinal round.
Nangyari ang kinakatakutan ni BK coach Allan Gregorio na pumutok si Lee sa likod ng kanilang mahigpit na pagbabantay.
Bumawi si Lee sa kanyang dalawang sunod na turnovers nang umiskor ito ng jumper upang pigilan ang paghahabol ng Burger King, may 36 segundo ang nalalabing oras sa laro.
“Time and time again, he bailed us. That’s his value to the team, he’s our rookie star,” ani coach Lawrence Chongson ukol sa University of the East player na nagsumite ng double-double sa ikaapat na pagkakataon.
Tumapos ang 5-foot-11 na si Lee ng 17 points at 11 rebounds bukod pa sa kanyang five steals at three assists sa 27 minuto.
Dahil dito, nakapasok ang Energy Warriors sa Final Four sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng kanilang prangkisa.
Nakahirit naman ang Pharex ng do-or-die match matapos igupo ang Hapee Toothpaste, 76-61 kung saan nagbida naman ang former slam dunk king Elmer Espiritu.
Umiskor si Espiritu ng pitong puntos sa 16-2 run upang kunin ang 65-55 lead na hindi na nila binitawan pa upang manatiling buhay ang kanilang pag-asa na makapasok sa semis.
Ang laban ng Happe at Pharex ay gaganapin sa Martes sa Ynares Sports Centre. (MBalbuena)