Sumandal ang Complete Protectors kay Jervy Cruz upang igupo ang league-leader na Harbour Centre upang makopo ang ikalawang twice-to-beat advantage sa quarterfinal round ng 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup na ginanap sa Emilio Aguinaldo College sa Manila.
Kinamada ni Cruz ang walo sa kanyang game-high 19-puntos sa final quarter upang tulungan ang Hapee na makabangon sa 15-point deficit.
Umiskor si Cruz ng put back mula sa nagmintis na lay-up ni Jeff Morial upang ilagay ang Complete Protectors sa 76-75 kalamangan na hindi na nawala sa kanila nang magmintis si Jerwin Gaco sa dalawang free-throws at nagmintis din si Reed Juntilla sa kanyang panablang tres matapos umiskor si Lance Convento ng dalawang foul shots.
Tinapos ng Hapee ang two-round elims na katabla ang Bacchus sa 6-6 ngunit nakuha ng Energy Drinks ang No. 3 spot dahil sa kanilang mas mataas na quotient at ang Hapee ang No. 4.
Walang epekto sa Harbour Centre ang pagkatalong ito sanhi ng kanilang 9-3 record dahil sigurado na sila sa semi-finals katulad ng Magnolia Purewater na nasa ikalawang puwesto naman na may 7-5 kartada.
Nakopo naman ng Pharex ang huling quarterfinal berth matapos igupo ang Toyota Otis, 71-69 sa pagbibida ni top rookie pick Chris Ross na tumapos ng career-high 23 points, tungo sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Matapos matalo sa unang anim na laro, tumapos ang Generix na may 5-7 record at makakaharap nila ang Hapee sa susunod na round matapos piliin ng Bacchus ang Burger King na kalaban sa quarterfinals.
Nagtala din si Ross ng 10 rebounds, seven assists at two steals sa 37 minutong paglalaro upang tulungan ang Generix na makabangon mula sa 10-point deficit sa ikaapat na quarter at pabagsakin ang Sparks sa 4-8 record.