Nakasungkit ang Burger King ng quarterfinal slot habang nanatili sa kontensiyon ang patuloy sa pagbangong Pharex matapos ang kanilang magkahiwalay na panalo sa PBL PG Flex Linoleum Cup na dumako sa Aguinaldo College gym sa Manila kahapon.
Nagbida si Mac Baracael, sa pagkamada ng 25-puntos at siyam na rebounds sa paggupo ng BK Stunners sa Toyota Otis, 74-69.
Sumandal naman ang Pharex kay forward JR Gerilla na umiskor ng career-high 24-puntos sa kanyang impresibong 12-of-13 field goal shooting para sa 97-77 pananalasa sa Bacchus Energy Drink na nagbigay sa kanila ng pag-asa na makakuha ng quarterfinal slot.
Nakakuha rin ang BK Stunners ng impresibong laro mula kay NCAA star Ogie Menor na may 13-puntos at 6-rebounds at Abby Santos na may 10-puntos at 6-rebounds gayundin kay Joey Deas na nagdebut sa Burger King na nakakuha ng 2 puntos para sa kanilang pagsulong sa 5-7 kartada.
Sinamahan ng Burger King sa quarterfinals ang Bacchus Energy Drinks (6-6) at Hapee Toothpaste (5-6) habang nakakasiguro na ng semis slot ang Harbour Centre (9-2) at Magnolia (7-5).
Umangat ang Pharex sa 4-7 kartada matapos itala ang kanilang ikatlong sunod na panalo at kailangan nilang ipanalo ang huling asignatura laban sa katabla nila ngayong Toyota Otis bukas upang makakuha ng quarterfinals berth.
Tinapos ng Bacchus ang elimination round na may 6-6 record para sa No. 3 spot at twice-to-beat advantage at may insentibo rin silang makapili ng kakalabanin sa quartefinals.
Nagposte ang former Far Eastern University standout na si Gerilla ng tig-10 puntos sa second at third quarter tungo sa pagsulong ng Pharex sa 22 points, 71-49, papasok sa final canto.