Magtitipon-tipon ang mga mahuhusay at ang mga papasibol pa lamang na riders ng bansa sa Tagaytay City at Amoranto Velodrome sa Quezon City sa susunod na linggo para sa National Open Championships para sa road, mountain bike (MTB) at track (velodrome).
Nakatakda ang road competition sa January 15 na tatahak sa 160-km simula at pabalik sa Tagaytay International Convention Center course, habang ang MTB race ay tatahak naman ng 50-km route, na karamihan dito ay pawang baku-baku, makipot at paahon na dadaan sa Tagaytay, Talisay at Laurel. Ang nasabing dalawang karera ay sisimulan sa alas-8 ng umaga.
Nakatakda naman ang kompetisyon sa track sa January 16 sa Amoranto simula sa alas-9 ng umaga at ito ay hahatiin sa tatlong major events--individual pursuit, sprint at 1-kilometer.
Ang national open ay magsisilbing bahagi ng quadrennial elections ng PhilCycling o ng Integrated Cycling Federation of the Philippines, na nakatakda sa ala-1 ng hapon sa January 16 sa Amoranto Multi-Purpose Hall sa Quezon City.
Inimbitahan si Pat Mc-Quaid, president ng Union Cycliste Internationale (UCI), ni PhilCycling president Bert Lina para dumalo sa nasabing elections kasama sina Asian Cycling Confederation president Cho Hee Wok at secretary general Choi Boo Wong at Asean Cycling Association president Haji Abu Samah Wahab at ang Philippine Olympic Committee--sa pangunguna ng president nito na si Jose Cojuangco Jr.--at ng Philippine Sports Commission (PSC)-- sa pangunguna naman ni chairman William Ramirez -- ang tatayong officials.
Inimbitahan din si PSC commissioner Akiko Thomson na maging bahagi ng three-member elections committee ng PhilCycling polls.